SGLG Sina Nueva Ecija Gov. Aurelio M. Umali, Jaen Mayor Sylvia C. Austria at Vice Mayor Sylvester C. Austria na tumanggap ng 2024 Seal of Good Local Governance sa Manila Hotel noong Disyembre 10, 2024.

4 lungsod, 19 bayan ng NE may award mula DILG

Steve A. Gosuico Dec 15, 2024
28 Views

CABANATUAN CITY–Nasungkit ng apat na lungsod at 19 na bayan ng Nueva Ecija ang 2024 Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang SGLG ay para sa mga local government units na nalampasan ang mga pamantayan sa kanilang 10 all-in governance areas.

Tinanggap ni Gov. Aurelio M. Umali ang parangal sa Manila Hotel noong Disyembre 10.

Ito’y maituturing na grand slam matapos makamit ni Umali ang parangal sa tatlong magkakasunod na beses noong 2022, 2023 at 2024.

Nauna ng nasungkit ng Nueva Ecija ang SGLG noong 2015 sa ilalim ni Gov. Aurelio at noong 2018 naman sa ilalim ng administrasyon ni dating Gov. Czarina D. Umali.

Samantala, ang Cabanatuan City, Palayan City, San Jose City at Science City of Muñoz tumanggap din ng parangal sa parehong event.

Tinanghal din bilang 2024 SGLG winners ang 19 na LGU ng probinsya–Bongabon, Cabiao, Cuyapo, Gabaldon, General Tinio, Guimba, Jaen, Llanera, Nampicuan, Pantabangan, Peñaranda, Rizal, San Antonio, San Isidro, San Leonardo, Santo Domingo, Talavera, Talugtug at Zaragosa.

Si August Ortiz at officer Rowena Adriano ang tumanggap ng parangal para sa San Antonio LGU habang si Peñaranda Mayor Joselito A. Ramos at ang mother-son tandem nina Jaen Mayor Sylvia C. Austria at Vice Mayor Sylvester C. Austria ang kumuha nito para sa kanilang kani-kanilang LGU.

Ito ang ikapitong SGLG para sa Talavera.

Lahat ng awardees nakakuha ng incentive fund na magagamit para sa development initiatives ng LGU.

Katumbas ito ng P3 milyon para sa mga probinsya, P2-milyon para sa mga lungsod at P1.153-milyon para sa mga munisipalidad ang mga premyo.