Koreano Source: BI

4 na dayuhan na wanted sa iba’t ibang kaso nahuli ng BI

Jun I Legaspi Dec 10, 2024
46 Views

KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa tatlong Chinese nationals at isang Korean national dahil sa iba’t-ibang kaso sa Makati, Pasay at Benguet.

Ayon kay Fortunato Manahan Jr., hepe ng BI intelligence division (ID), naaresto ang Chinese national na si Fang Binbin, 39, dahil sa pagiging overstaying noong Disyembre 5 sa Chino Roces sa Makati.

Naaresto si Fang batay sa mission order na inilabas ni BI Commissioner Joel Anthony Viado dahil matagal na siyang overstaying at sangkot rin sa illegal recruitment.

Inaresto rin ng BI-ID sina Hujie Nie, 26, at Li Ying Long, 40, parehong Chinese, sa Villaruel St., Pasay.

Bagama’t may working visa, nadiskubreng nagtatrabaho sila sa isang establisyemento na hindi konektado sa kanilang petitioner at sangkot din sa pagbebenta sa isang seafood trading establishment sa nasabing lugar.

Arestado rin ang Korean national na si Park Myung Hoon, 51, sa La Trinidad, Benguet dahil sa pagiging overstaying at pagtatrabaho ng walang kaukulang permit.

Dinala ang apat na dayuhan sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.