House

4 na panukalang batas para sa pagpapaunlad ng Romblon, lusot sa 3rd at huling pagbasa ng Kamara

Mar Rodriguez Aug 6, 2026
71 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes ang apat na panukalang batas na pangunahing naglalayong palakasin ang serbisyong pangkalusugan kasama na ang pagpapaunlad ng turismo sa lalawigan ng Romblon.

Ang mga panukala ay inakda ni Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, bilang principal author.

Pinakamahalaga sa mga naaprubahang panukala ang House Bill No. 9609 na naglalayong ibalik sa pangangasiwa ng pambansang pamahalaan ang Romblon Provincial Hospital (RPH) sa Odiongan.

Sa ilalim ng panukala, muling mapapailalim ang ospital sa direktang pamamahala ng Department of Health (DOH) at magkakaroon ng sapat na pondo para sa operasyon, pagpapahusay ng mga pasilidad at kagamitang medikal at pagdaragdag ng mga doktor, nars at iba pang healthcare workers.

Ayon sa Kamara, inaasahang magpapabuti ito sa kalidad at lawak ng serbisyong pangkalusugan para sa mga Romblomanon.

May katumbas ding panukala sa Senado, ang Senate Bill No. 2061 na inakda ni Sen. Camille A. Villar bilang suporta sa muling pagsasailalim ng Romblon Provincial Hospital sa pamamahala ng DOH.

Bukod dito, inaprubahan rin ng Kamara ang tatlong panukalang naglalayong isulong ang turismo sa lalawigan.

Kabilang dito ang House Bill No. 1670, na nagdedeklara sa bayan ng San Andres bilang isang Tourism Development Area, House Bill No. 167 na nagtatakda sa bayan ng Santa Fe bilang isang Tourism Destination at House Bill No. 1673 na nagdedeklara sa Suba Cove sa bayan ng Corcuera bilang isang Ecotourism Destination.

Layunin ng mga panukalang ito na higit pang mapaunlad ang industriya ng turismo sa Romblon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga pangunahing destinasyon sa lalawigan, paghikayat ng mas maraming pamumuhunan, paglikha ng dagdag na kabuhayan at trabaho, at pagpapakilala sa likas na yaman at kagandahan ng Romblon.

Ang mga nasabing panukalang batas ay inaasahang lalo pang magpapa-angat ng turismo ng Romblon kung saan, ito ang patuloy na pinagsisikapang isulong ni Madrona sa Kamara.

Ayon kay Madrona, ang pag-apruba ng apat na panukala sa ikatlo at huling pagbasa ay bahagi ng patuloy na pagsusulong ng mga hakbang na magbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa mga Romblomanon, mula sa mas mahusay na serbisyong pangkalusugan hanggang sa mas masiglang sektor ng turismo na inaasahang magpapabilis sa pag-unlad ng lalawigan.