pasay fire

4 patay, 2 sugatan sa sunog sa Pasay

Edd Reyes Feb 15, 2025
17 Views

FirePATAY ang mag-ina, pamangkin, at bayaw ng ginang nang ma-trap silang apat sa nasusunog nilang bahay Sabado ng madaling araw sa Pasay City.

Ayon kay Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita, hindi pa pinapangalanan ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP) ang 34-anyos na ginang, 7-taong gulang na anak na lalaki, 14-anyos na lalaking pamangkin at 40-anyos na bayaw, na isa-isang nakuha ng mga bumbero sa labi ng mga kabahayang natupok ng apoy sa Benita Esteban St. Feliciano Compound,Barangay 177, Malibay.

Nagtamo naman ng 1st degree burn sa kanang kamay si alyas “Irish”, habang hiwa sa kanang paa naman si alyas “Gabriel”, 18, na kapuwa nalapatan kaagad ng lunas ng emergency rescue team.

Sa pahayag ni Pasay BFP Information Officer SFO1 Resmond Germino, sumiklab ang sunog dakong alas-4:31 ng madaling araw na umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula ng alas-7:23.

Inaalam pa ang sanhi ng pagsiklab ng apoy na tumupok sa may tinatayang P1. 2 milyong halaga ng 35 kabahayab at mga ari-arian.

Inatasan na rin ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang City Social Welfare and Development na tulungan ang mahigit 50-pamilyang apektado ng sunog na pansamantala munang nanunuluyan sa covered court ng Brgy. Maliban. (edd reyes)