Calendar

4 tiklo sa pagbebenta ng pekeng pyesa ng motorsiklo
APAT katao, kabilang ang dalawang babae, ang nahuli ng mga pulis noong Biyernes sa sinalakay na kompanyang pinaniniwalaang nagbebenta ng mga imitasyong piyesa ng motorsiklo sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles ang mga nadakip na sina alyas Jajah, 25; Jean, 26; Roger, 36; at Christopher, 35.
Hindi nadakip ang manager at may-ari ng kompanya na si alyas MM dahil wala noong sumalakay ang mga pulis.
Nakumpiska ng mga tauhan ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ang 120 kahon ng mga imitasyong U&S bearing brand na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Isinagawa ang pagsalakay dakong alas-2:00 ng hapon sa bisa ng search warrant ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Acting Presiding Judge Rosalia Hipolito Bunagan ng Branch 123 makaraang mapatunayang imitasyon ang mga bearing ng motorsiklong binebenta ng kompanya.
Ayon kay PSSg Ariel Dela Cruz, may hawak ng kaso, sasampahan ang mga nahuli ng kasong paglabag sa Section 155 (infringement) at Sec. 168 (unfair competition) ng RA 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines sa Caloocan City Prosecutor’s Office.