Just In

Calendar

February 2025
M T W T F S S
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
2425262728  
Fernandez Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez

40 socmed personalities inimbitahan sa hearing ng Kamara sa fake news

10 Views

HINDI bababa sa 40 social media personalities ang ipinatawag bilang resource person sa unang public hearing ng House tri-committee kaugnay ng pagkalat ng fake news at disinformation sa bansa.

Ang pagdinig ay itinakda sa Pebrero 4 at isasagawa ng House committees on public order and safety, public information, at information and communications technology.

Binigyang-diin ni Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez, ang mangunguna sa pagdinig, ang kahalagahan na masuri ang pagpapakalat ng maling impormasyon online at ang epekto nito sa pang-unawa ng publiko at pambansang seguridad, at ang paggawa ng mga hakbang upang malabanan ito.

Sinabi ng chairman ng House committee on public order and safety na dapat maprotektahan ang bawat Pilipino laban sa maling impormasyon.

“Ang mga Pilipino ay may karapatan sa katotohanan. Dapat protektahan natin ang ating mga kababayan laban sa maling impormasyong nagdudulot ng takot at pagkakawatak-watak sa ating lipunan,” ani Fernandez.

Ang mga inimbitahang social media personalities ay tumatalakay sa iba’t ibang isyung pampulitikal ng bansa.

Nasa listahan ng inimbita sina Malou Tiquia, Jose Yumang Sonza, Krizette Lauretta Chu, Mark Anthony Lopez, Allan Troy “Sass” Rogando Sasot, MJ Quiambao Reyes, Vivian Zapata Rodriguez, Ethel Pineda, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa, Jeffrey Almendras Celiz, Lord Byron Cristobal (Banat By), Alex Destor (Tio Moreno), Aaron Peña (Old School Pinoy), Glen Chong, Manuel Mata Jr. (Kokolokoy), Elizabeth Joie Cruz (Joie De Vivre), Claro Ganac, Claire Eden Contreras (Maharlika Boldyakera), Jonathan Morales, Cyrus Preglo (Optics Politics), Maricar Serrano, Ernesto S. Abines Jr. (Jun Abines), Atty. Trixie Cruz Angeles, Julius Melanosi Maui (Maui Spencer), Darwin Salceda (Boss Dada TV), Elmer Jugalbot (Eb Jugalbot), Cathy Binag, MJ Mondejar, Suzanne Batalla (IamShanwein), Joe Smith Medina (Political Witch Boy), Jeffrey G. Cruz (JCCO/JJ Cruz), Alven L. Montero, Kester Ramon John Balibalos Tan (Mr Realtalker), Edwin Jamora (Reyna Elena), Ma Florinda Espenilla-Duque (Pebbles Duque), Dr. Richard Tesoro Mata (Dr. Richard and Erika Mata), Ahmed Paglinawan (Luminous by Trixie & Ahmed), Ryan Lingo, Atty. Enzo Recto (Atty. Ricky Tomotorgo) at Ross Flores Del Rosario (Wazzup Philippines).

Ipinatawag din sa pagdinig ang mga kinatawan ng Google, Meta (Facebook) at ByteDance (TikTok), gayundin ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ), upang matalakay ang mga hamon sa regulasyon laban sa online disinformation.

Sinabi ni Fernandez na mahalagang matukoy ang mga kahinaan sa kasalukuyang batas at polisiya at mabantayan ang digital platform at makagawa ng solusyon upang masiguro na tama ang impormasyong nakukuha ng publiko.

Sinabi ng mambabatas na hindi hahayaan na lamang ng Kamara de Representantes ang mga misinformation campaign para sa politikal at pinansyal na interes.

“Hindi natin hahayaang gamitin ang social media upang linlangin ang ating mga kababayan. Panahon na upang maipatupad ang mas mahigpit na batas upang labanan ang fake news at disinformation,” sabi nito.

Inaasahan na tututukan din ng mga miyembro ng Kamara ang pagpapalakas ng mga panuntunan upang magkaroon ng pananagutan at mapatawan ng parusa ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon.

Ang live stream ng pagdinig ay maaaring mapanood sa iba’t ibang social media platform at inaasahan ng mga mambabatas na makalilikha ito ng malawakang diskusyon kaugnay ng papel ng social media sa paghubog ng pananaw ng publiko.