BBM

Bongbong 51%; Bandera ng UniTeam naitayo sa Bicol, Leni 33%

567 Views

KUNG pre-election surveys ang pagbabasehan, walang dudang si presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang umaarangkada kahit pa sa balwarte ng kanyang katunggali sa Bicol region.

Sa inilabas na survey ng Laylo Research Strategies Enero nitong taon, nakakuha ng 51% si Marcos kumpara kay Leni Robredo na nakasungkit lamang ng 33%.

Tumamo ng karagdagang kalamangan si Marcos sa kanyang bentahe sa naunang resulta ng parehong survey firm noong Nobyembre 2021 kung saan nakakuha si Marcos ng 45% habang si Robredo ay 29%.

Nakapagtala naman si Francisco Domagoso Moreno ng 8% nitong Enero kumpara sa 7% nito noong Nobyembre 2021, bumaba naman sa 3% si Manny Pacquiao mula sa 4%, habang si Panfilo Lacson ay sumadsad din na mula 6% noong Nobyembre 2021 ngayon ay 4%.

Sa kabuuan, nakakuha ng 64% voters’ preference nationwide si Marcos nitong Enero galing sa pagdomina nito noong Nobyembre 2021 na may talang 58%, si Robredo naman ay bahagyang umakyat mula sa 13% na naging 16%.

Samantala, nitong Enero 2022 survey na isinagawa ng Tangere na syang kinikilalang pinakamalaking online market research group, nanguna si Marcos sa lahat ng kandidato pagka-pangulo sa Bicol na may 45.27% voters’ preference at si Robredo naman ay may talang 25.57%

Pumangatlo naman si Moreno sa parehong rehiyon na nakapagtala ng 17.42%, sinundan ni Pacquiao na nakakuha ng 6.88% at huli naman sa listahan si Lacson na may 3.96%.

Sa pangkalahatan, pumalo ang lamang ni Marcos na nakakuha ng 57.67%, pinatunayan ito ng magagandang resulta ng mga survey sa Mindanao na 67.03%, sa NCR na may 57.99% at 63.59% sa Northern at Central Luzon.

Sinabi naman ng mga political experts na isang malaking milagro lamang ang maaaring magpabagsak sa kalamangan ni Marcos, at kung magtuloy-tuloy ay walang dudang siya ang magiging pangulo sa darating na halalan sa Mayo.

“Figures don’t lie. This is science talking. Well, those massive caravans and the number of people who attended the proclamation rally in Bulacan even if we are still in the pandemic is a sure sign that the numbers indicated in the different surveys and the reality on the ground coincide. Again, it will take more than just prayers to beat Marcos in this election,” sabi ng isang political expert.