LTO

486 empleyado ng LTO na-promote noong ’24

Jun I Legaspi Jan 6, 2025
17 Views

HALOS 500 empleyado ng Land Transportation Office (LTO) ang na-promote noong 2024 para isulong ang kapakanan at pag-unlad ng career ng mga kawani.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza, ang mga na-promote ay mula sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa.

Pinakamaraming na-promote sa National Capital Region (106), kasunod ang CALABARZON (63), at 48 mula sa LTO Central Office sa Quezon City.

“Nang umupo ako bilang pinuno ng LTO noong Hulyo 2023, isa sa mga pangako ko tugunan ang ‘endo’ o kontraktuwalisasyon sa ahensya at punan ang lahat ng posisyon sa plantilla para sa mga karapat-dapat na kawani,” sabi ni Mendoza.

Sa ilalim ng tulong ni DOTr Secretary Jaime J. Bautista, nakipag-ugnayan si Asec Mendoza sa Department of Budget and Management noong 2023 upang unti-unting resolbahin ang sistema ng kontraktuwalisasyon sa LTO.

Bahagi ng mga hakbang upang masolusyunan ang problema ang pagsasagawa ng masusing pagsusuri sa mga contract of service employees ng LTO.

Iginiit ni Mendoza na sila ang dapat unahin para sa permanenteng posisyon kung sila ay kwalipikado.

Bilang resulta, maraming contract of service employees ang napatunayang kwalipikado para sa plantilla positions at nagbukas din ito ng oportunidad para sa promosyon ng daan-daang iba pang empleyado ng LTO sa buong bansa.

“Ipagpapatuloy natin ang ganitong magandang polisiya dahil naniniwala ako na magbibigay-inspirasyon ito sa ating mga kawani upang higit pang magsikap at makapaghatid ng dekalidad na serbisyo sa lahat ng ating kliyente,” dagdag niya.