4P's

4Ps gusto palawakin ni Sen. Jinggoy

203 Views

ISINUSULONG ni Sen. José Jinggoy Ejercito Estrada ang pagpapalawak ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil umano nagpapababa sa halaga ng cash grants at sa mga isyung nakaaapekto sa pagpapatupad ng programa.

Ayon kay Estrada, layon ng panukala na manatiling tumutugon ang 4Ps sa pangangailangan ng mga pamilyang mababa ang kita sa ilalim ng Republic Act 11310.

Nakasaad sa Senate Bill 1487, o Expanded Pantawid Pamilyang Pilipino Program (E4Ps) Act, ang pagpapalawak ng coverage, pagtaas ng cash grants, at pagdagdag ng mga suportang mekanismo.

Batay sa pag-aaral ng Congressional Policy and Budget Research Department, bumaba nang humigit-kumulang 30 porsyento ang tunay na halaga ng 4Ps grants mula 2019.

Kabilang sa panukala ang dagdag na P200 hanggang P250 sa cash grants, taunang rebisyon batay sa implasyon, at bagong kondisyon para sa cash assistance.

Palalawakin din ang eligibility upang maisama ang mga pamilyang may mga batang 0 hanggang 6 taong gulang na kulang sa nutrisyon at bigyang-prayoridad ang mga “food poor” na sambahayan.

Iminumungkahi rin ni Estrada ang pagpapahaba ng maximum coverage mula 7 taon tungo sa 10 taon para sa mga pamilyang nananatiling mahirap.

Bilang bahagi ng pangmatagalang pagtugon sa kahirapan, isasama sa panukala ang adult education bilang bagong kondisyon.

Maaaring kumuha ang mga benepisyaryo ng Alternative Learning System classes o pagsasanay sa kasanayan at pagnenegosyo sa TESDA, kasama ang meal at transport support sa ilalim ng community mobilization grant.

Kasama rin sa panukala ang mas matatag na grievance system at after-care program para sa mga pamilyang magtatapos sa 4Ps, kabilang ang tulong sa kabuhayan at trabaho.

“We must keep 4Ps relevant, responsive, and empowering,” sabi ng senador.