5 suspek tiklo sa metro drug busts; P.5M shabu nasamsam

Edd Reyes Sep 28, 2024
13 Views

MAHIGIT kalahating milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga pulis sa limang pinaghihinalaang tulak ng iligal na droga sa buy-busts sa Caloocan, Navotas at Malabon noong Huwebes.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, unang natiklo ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles sina alyas Ike, 25, at alyas Ledge, 42, dakong alas-5:45 ng umaga sa Libis Espina sa Brgy. 18, makaraang pagbentahan ng P6,500 na halaga ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska rin mula sa dalawa ang 52 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P353,600.

Alas-10:45 ng gabi, nahuli ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes sina alyas Michael, 49, at alyas Angge, 20, sa M. Naval St. Brgy. Sipac Almacen.

Nakumpiska sa dalawa ang 10.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P69,360 pati ang markadong salapi at ang maliit na plastic sachet ng shabu na ibinenta nila sa ka-transaksyong pulis.

Biyernes ng ala-1:00 ng madaling araw nang dakmain ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan sa P. Aquino Avenue, Brgy. Tonsuya si alyas Bossing, 30.

Umaabot sa 20.34 gramo ng shabu ang nasamsam sa suspek na may katumbas na halagang P138,312 matapos pagbentahan ng ilegal na droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.