Chinese MGA SALARIN–Iniharap ang mga Chinese nationals na naaresto ng mga operatiba ng NBI sa Angeles City, Pampanga.

6 na Tsino arestabo sa cyber scams, pamemeke

Jon-jon Reyes Aug 16, 2024
83 Views

ARESTADO sa pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD) at NBI-Technical Intelligence Division (NBI-TID) ang anim na Chinese nationals sa D Heights Resort Golf and Country Club sa Angeles City, Pampanga dahil sa cyber-related scams at computer-related forgery.

Nakilala ang mga naaresto na sina Xiaojun Wang, Xue Feng Zhang, Ke Xin Ge, Die Liu, Yu Jie Wang at Hong Hong Zhu.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na nakatanggap ng sulat ang mga NBI agents mula sa Naval Intelligence and Security Group (NISG) na hinihiling ang tulong para ma-validate at arestuhin ang mga suspek na sina Guo Jinxie, Zhangxiao Feng at Lo Hsing Hung na may warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 296 ng Paranaque City para sa kasong qualified trafficking in persons.

Wala si Feng nang isilbi ang warrant ngunit napansin ng mga NBI agents na mayroong iba’t-ibang desktop computer, cellular phone, sim card, ilang script at customer ledger sa nire-raid na unit.

Batay sa eksaminasyon sa mga desktop, natuklasan ang romance scam scripts, messaging applications na may kahina-hinalang accounts, bank accounts at mapanlinlang na cryptocurrency investment platform na nagmumungkahi na ang mga indibidwal na gumagamit ng mga device na ito nakikibahagi sa mga mapanlinlang na aktibidad sa buong mundo.

Alinsunod dito, ginagamit ang mga script at tool na ito sa mga aktibidad ng scam gaya ng mga catfishing scam, credit card scam, cryptocurrency scam at pekeng investment scam.