Arestado

6 suspek sa carnapping, anti-fencing timbog

369 Views

ANIM na suspek ang naaresto sa kasong carnapping at paglabag sa anti-fencing law sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Batasan Police Station (PS 6) at Eastwood Police Station (PS 12).

Sa pangunguna ni PLTCOL ROMIL AVENIDO, inaresto ng PS 6 ang mga suspek na sina alias “John,” 23, residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City; alias “Ryan,” 45, residente ng Brgy. Manggahan, Montalban, Rizal; at alias “Gensan,” 22, residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Ayon sa ulat, bandang 6:00 AM noong August 11, sa Margarita St., Brgy. Commonwealth, nadiskubre ng biktima na nawawala ang kanyang Yamaha Mio na nakaparada sa harap ng kanilang bahay. Naiulat lamang ito sa PS 6 nitong August 29, matapos magbigay ng impormasyon ang isang concerned citizen hinggil sa kinaroroonan ni alias “John,” na siyang nagnakaw ng motorsiklo.

Kasunod nito, nakipag-ugnayan ang PS 6 sa Montalban Police Station at nagtungo sa Diaz Compound, Brgy. Manggahan, Montalban, Rizal dakong 11:45 AM noong August 29. Doon nadakip sina alias “John” at alias “Ryan,” na bumili ng nakaw na motorsiklo.

Matapos maaresto si alias “John,” isang panibagong biktima ang nagsiwalat na naibenta rin nito ang kanyang motorsiklo kay alias “Gensan,” dahilan upang maaresto rin siya sa kanyang bahay sa Freedom Park 5, Brgy. Batasan Hills.

Batay sa Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system, si alias “John” ay may mga naunang kaso kabilang ang Theft (December 2020 at February 2021), P.D. 1602 (October 2021), Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury (January 2025), paglabag sa R.A. 10883 (November 2023), at R.A. 9287 (November 2024). May rekord din si alias “Ryan” sa mga kasong R.A. 9165 (October 2020), B.P.6 (September 2021), at Falsification of Public Document (March 2025).

Nabawi mula sa kanila ang isang (1) Honda Click at dalawang (2) Yamaha Mio.

Samantala, sa hiwalay na operasyon, inaresto ng PS 12 sa pangunguna ni PLTCOL VON DV ALEJANDRINO sina alias “Edwin,” 34; alias “Jay Ar,” 27, kapwa residente ng San Jose, Antipolo; at alias “Arjay,” 29, residente ng Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City. Nagsimula ang insidente nang isang J&T rider ang mag-ulat na bandang 2:35 PM nitong August 30, habang nagde-deliver ng parcels sa C5 Road corner Boni Serrano, Brgy. Libis, Quezon City, iniwan niya ang kanyang Mio Soulty/Sporty na nakaparada at naiwan ang susi. Pagbalik niya, nawawala na ang motorsiklo at mga kargamento.

Mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang PS 12. Sa CCTV footage, nakita ang mga suspek na tinangay ang motorsiklo ng biktima at iniwan ang kanilang sariling motorsiklo sa ilalim ng footbridge malapit sa Brgy. Hall ng Libis. Bandang 10:25 PM noong August 30, bumalik si alias “Edwin” upang kunin ang kanilang motorsiklo at doon siya nahuli. Sa imbestigasyon, itinuro nito ang kinaroroonan ng kanyang mga kasabwat, dahilan ng hot pursuit operation sa Antipolo, Rizal kasama ang PCP-3, Antipolo MPS, at Rizal PPO. Bandang 2:20 AM noong August 31, nadakip sina alias “Jay Ar” at alias “Arjay.”

Narekober mula sa kanila ang isang Grey Raider, isang Violet Mio Sporty, at isang Red Mio Sporty. Nang hingan sila ng dokumento ng pagmamay-ari, wala silang naipakita, kaya dinala ang mga motorsiklo sa PS 12 para sa safekeeping at karagdagang beripikasyon.

Ayon sa ISAV system, si alias “Edwin” ay may dating kaso ng R.A. 9165 (August 2020 at January 2024), Theft (October 2023), at R.A. 10883 (October 2023). Si alias “Jay Ar” naman ay may rekord ng R.A. 9165 (June 2022) at R.A. 10883 (September at October 2022).

Nahaharap sina alias “John,” “Edwin,” “Jay Ar,” at “Arjay” sa kasong paglabag sa R.A. 10883 o Anti-Carnapping Act of 2016, habang sina alias “Ryan” at “Gensan” ay kinasuhan sa ilalim ng P.D. 1612 o Anti-Fencing Law sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“This accomplishment reflects our continued commitment to the 7-Point Agenda of the Acting Chief, PNP PLTGEN JOSE MELENCIO NARTATEZ, JR., particularly in enhanced police operations and the campaign against illegal drugs, loose firearms, and terrorism. We will continue to intensify our efforts to ensure the safety of our communities and protect the public from all forms of criminality,” ani PCOL SILVIO.