Sunog

Yaya, 3-anyos na alaga na-trap sa sunog, patay

Edd Reyes Sep 2, 2025
362 Views

NASAWI ang yaya at alaga niyang tatlong-taong gulang na batang babae habang kritikal ang anim-na taong gulang na kapatid na babae nito nang ma-trap sila sa nasusunog na inuupahang tirahan Lunes ng bago maghating-gabi sa Malabon City.

Naisugod pa sa Manila Central University (MCU) Hospital ang tatlo subalit kalaunan ay idineklarang patay ang yayang si Juvy Ventura, nasa 30 hanggang 40–taong gulang, pati ang alaga niyang 3-taong gulang na batang babae.

Nagtamo naman ng 3rd degree burns ang anim na taong gulang na batang babae na nasa kritikal na kalagayan sa naturang ospital.

Sa ulat ni Malabon City Fire Marshal Supt. Elaine Evangelista, sumiklab ang sunog sa paupahang bahay na pag-aari ng isang Edwin Domingo, 48, sa 15, Sociego St. Brgy. Tinajeros alas-11:50 ng gabi na umabot lang sa unang alarma bago tuluyang naapula ng alas-12:38 ng Martes ng madaling araw.

Napagalaman na nasa panggabing duty bilang nurse ang ina ng mga bata habang sa ibang bansa nagta-trabaho ang kanilang ama kaya’t ang yaya lamang ang naiiwan sa mga bata.

Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, napansin nila ang maitim na usok na nagmumula sa inuupahang bahay ng mga biktima kaya’t naglakas-loob silang pasukin ang bahay hanggang makita sa ikalawang palapag ang mga biktima.

Unang nailabas ang anim na taong gulang bago ang yaya na nakayakap pa sa kanyang alaga na kapuwa wala ng malay nang isugod sa pagamutan.

Inaalam pa ng arson investigators kung ano ang sanhi ng pagsiklab ng apoy at kung magkano ang halaga ng natupok na ari-arian.