Calendar
Nangikil ng kapwa Chinese arestado
ARESTADO ang isa sa dalawang Chinese national na nangikil at nanakit sa kanilang kababayan noong Lunes sa Pasay City.
Naaresto ng mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto si alyas Li, 37, habang tinutugis pa ang kasabwat niyang si alyas Song Hao, 33, sa condominium sa MOA Complex, Brgy. 76 dakong alas-9:30 ng gabi.
Ginamitan ng mga suspek ng electric taser at patalim ang biktima upang mapuwersang ibigay ang P15,000 cash niyang salapi.
Nalaman ng mga pulis ang insidente nang makontak ng biktima ang isa niyang kaibigan na tumawag sa 911 emergency hotline kaya’t nakapagresponde ang mga pulis.
Gayunman, wala na sa unit ang mga suspek habang natagpuan nila ang biktima sa isa pang unit ng condominium na siyang nagturo kay alyas Li na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Nakuha ng mga pulis ang ginamit nilang electric taser at patalim habang tinutugis pa ang kanyang kasabwat.

