Calendar
7 boga, granada, bala, droga nasamsam sa Zambales
CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Pampanga–Nasamsam ng mga tauhan ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang pitong baril, isang hand grenade, mga bala at hinihinalang ilegal na droga sa Zambales noong Sabado.
Layunin ng kampanya na buwagin ang isang robbery group na umano’y kumikilos sa lalawigan.
Ayon sa PRO3, dalawang search warrant operation sa San Antonio ang nagresulta sa pagkakasamsam ng anim na baril, isang hand grenade at mga bala mula sa mga indibidwal na umano’y konektado sa naturang robbery group.
Sa hiwalay na buy-bust sa Cabangan, naaresto ng mga pulis ang isa pang suspek at nakumpiska rang 1.61 na gramo ng hinihinalang shabu, 30.1 gramo ng hinihinalang marijuana at isang kalibre .38 na revolver.
Ayon kay PRO 3 director Brig. Gen. Jess Mendez, ipinakita ng mga nakumpiskang armas at droga ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na intelligence gathering at koordinasyon ng mga police units upang mapigilan ang mga criminal group na maisagawa ang kanilang mga ilegal na gawain.
Sinabi ng pulisya na sasailalim sa kaukulang dokumentasyon at pagsusuri ang mga nakumpiskang baril at bala habang isasailalim naman sa laboratory examination ang mga hinihinalang ilegal na droga.
Ang mga naarestong suspek ay haharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon kay Mendez, bahagi ang mga operasyon ng patuloy na kampanya ng PRO 3 laban sa kriminalidad, ilegal na droga at mga loose firearms sa Central Luzon.

