Acidre

ACIDRE: “ANG BALANGIGA AY BAHAGI NG ATING KASAYSAYAN AT NG ATING MGA PAMILYA”

Mar Rodriguez Sep 28, 2026
129 Views

SA paggunita sa “Balangiga Encounter Day”, binigyang-diin ni TINGOG Partylist Rep. Jude A. Acidre ang kahalagahan ng pag-alala sa isa sa pinakamapait ngunit makabuluhang yugto ng kasaysayan ng mga Pilipino.

Para kay Acidre, higit pa sa isang kuwento sa mga aklat-aralin ang Balangiga dahil bahagi ito ng kanyang sariling buhay at pamilya. Kung saan, dito siya isinilang at lumaki at kabilang sa mga nasawi sa madilim na yugto ng kasaysayan ng Balangiga ang ilan sa kanyang mga ninuno.

Dahil dito, sinabi ni Acidre na personal para sa kanya ang paggunita sa Balangiga Encounter Day.

Ayon sa mambabatas, dapat alalahanin hindi lamang ang labanan kundi maging ang mga ordinaryong kalalakihan at kababaihang nasangkot sa isang pambihirang panahon—ang kanilang tapang, sakripisyo, pagdurusa at determinasyong ipagtanggol ang kanilang tahanan, pamilya at dignidad.

Kasama rin sa pag-alala, sabi ng kongresista, ang maraming buhay na nawala dahil sa karahasan at paghihiganti na sumunod sa mga pangyayari, gayundin ang mga pamilyang nagkahiwa-hiwalay at komunidad na nagdala ng sugat ng nakaraan sa loob ng maraming henerasyon.

Sa kabila ng mapait na nakaraan, sinabi ni Acidre na nagpatuloy at nanatiling matatag ang Balangiga.

Mahigit isang siglo matapos ang mga pangyayari, aniya, ang bayan ay hindi na lamang paalala ng tunggalian kundi nagsisilbing simbolo ng katatagan ng mga mamamayan nito.

“Itinuturo sa atin ng ating kasaysayan na ang tapang ay hindi kawalan ng takot. Ito ay ang pagpiling ipaglaban ang ating pinahahalagahan kahit malaki ang kapalit,” wika ni Acidre.

Binigyang-diin din ni Acidre na ang pag-alala sa nakaraan ay hindi dapat humantong sa pagkamuhi kundi sa mas malalim na pagpapahalaga sa kalayaan, kapayapaan, katarungan at dignidad ng tao.

Bilang kinatawan ng TINGOG Partylist at bilang isang anak ng Balangiga, sinabi ni Acidre na dala niya ang kasaysayan ng kanilang bayan sa kanyang paglilingkod-bayan.

Ayon sa kaniya, ang pinakamainam na paraan upang parangalan ang mga nauna sa kanila ay hindi lamang ang pag-alala sa kanilang mga pangalan at sakripisyo, kundi ang pagbuo ng mga komunidad na karapat-dapat sa kanilang mga tiniis.

Kabilang dito ang pagtiyak na ang bawat pamilya ay mamumuhay nang may dignidad, ang mga kabataan ay makikilala at mauunawaan ang kanilang kasaysayan, at walang komunidad ang makakalimutan o maiiwan.

“Ang Balangiga ay bahagi ng kuwento ng Eastern Samar. Bahagi ito ng kuwento ng ating bansa. Ngunit para sa aming mga malalim ang ugat sa lupang ito, bahagi rin ito ng kuwento ng aming mga pamilya,” pahayag ni Acidre.

Sa paggunita niya sa mga pangyayari, partikular na inalala ni Acidre ang kanyang mga ninunong nasawi at ang lahat ng taong naging bahagi ng kasaysayan ng Balangiga.

Nanawagan si Acidre na patuloy na maipasa sa mga susunod na henerasyon ang kuwento ng Balangiga upang maunawaan nila ang tapang, sakripisyo at pagmamahal sa bayan na naging bahagi ng kasaysayan ng kanilang mga ninuno.