Acidre1

Acidre: Tapang, katatagan ng Balangiga, dapat manatiling buhay sa mga susunod na henerasyon

Mar Rodriguez Sep 28, 2026
133 Views

HINIKAYAT ni TINGOG Partylist Rep. Jude A. Acidre ang mga Estehanon at lahat ng Pilipino na patuloy na alalahanin ang “Balangiga Encounter” hindi lamang bilang isang masakit na bahagi ng kasaysayan ng bansa, kundi bilang kuwento ng katapangan, sakripisyo at katatagan na dapat magsilbing gabay sa mga susunod na henerasyon.

Sa kanyang mensahe para sa ika-125 anibersaryo ng Balangiga Encounter, sinabi ni Acidre na personal para sa kanya ang paggunita dahil siya ay tubong Balangiga at ang kanyang sariling pamilya ay bahagi ng kasaysayan ng bayan.

“Para sa akin, ang Balangiga ay higit pa sa isang kuwento sa ating mga aklat pangkasaysayan. Ito ay tahanan. Dito ako ipinanganak, pinalaki ng mga kuwento nito at hinubog ng tapang at pagkatao ng mga mamamayan nito,” ang pahayag ni Acidre.

Ayon sa mambabatas, kabilang sa mga naging biktima ng madilim na yugto ng kasaysayan ng Balangiga ang ilan sa kanyang mga ninuno.

“Ang ilan sa mga miyembro ng sarili kong pamilya, ang aking mga ninuno, ay kabilang sa mga nasawi sa madilim na kabanatang ito ng ating kasaysayan. Dahil dito, napakapersonal para sa akin ng paggunita,” dagdag nito.

Ipinagdiriwang ang Balangiga Encounter Day tuwing Setyembre 28 at itinatadhana bilang special non-working holiday sa buong Eastern Samar sa ilalim ng Republic Act No. 6692. Ngayong taon ay ika-125 taon na mula nang maganap ang Balangiga Encounter noong 1901 sa panahon ng Philippine-American War.

Sinabi ni Acidre na sa pag-alala sa Balangiga ay hindi lamang dapat kilalanin ang katapangan ng mga lumaban upang ipagtanggol ang kanilang tahanan at pamilya, kundi pati ang mga buhay na nawala at mga pamilyang naapektuhan ng karahasan at mga paghihiganting sumunod sa insidente.

“Kapag inaalala natin ang Balangiga, inaalala natin ang mga ordinaryong lalaki at babae na napilitang harapin ang pambihirang panahon. Inaalala natin ang kanilang tapang, sakripisyo, pagdurusa at determinasyong ipagtanggol ang kanilang tahanan, pamilya at dignidad,” ayon kay Acidre.

Dagdag pa ng kongresista, dapat ding alalahanin ang maraming buhay na nawala dahil sa karahasan at mga paghihiganti, gayundin ang mga pamilyang nagkawatak-watak at isang komunidad na dinala ang sugat ng mga pangyayaring ito sa loob ng maraming henerasyon.

Sa kabila ng mapait na kasaysayan, sinabi ni Acidre na hindi nagtapos sa pagdurusa ang kuwento ng Balangiga.

“Gayunman, nagpatuloy at nakabangon ang Balangiga. Makalipas ang mahigit isang siglo, ang ating bayan ay hindi lamang nagsisilbing paalala ng tunggalian, kundi patunay rin ng katatagan ng mga mamamayan nito,” ayon pa kay Acidre.