Droga Nasa larawan ang nakuhang ebidensiya ng droga sa isinagawang buy-bust operation nitong Martes laban kay alyas Jopet at alyas Itik ng Gapan City police na pinangungunahan ni bagong talagang hepe na si Lt. Col. Joel M. Dela Cruz. Kuha ni STEVE A. GOSUICO

8 katao laglag sa bitag ng Nueva Ecija PNP, timbog 2 tulak ng droga

Steve A. Gosuico Nov 27, 2024
57 Views

CABANATUAN CITY – Walong katao, kabilang ang dalawang hinihinalang tulak ng droga at ang numero unong most wanted man sa bayan ng Rizal ang nahulog sa bitag ng kapulisan ng Nueva Ecija sa magkakahiwalay na operasyon nitong Martes.

Sa Gapan City, kinilala ng bagong-upong hepe ng pulis na si Lt. Col. Joel M. Dela Cruz ang dalawang arestadong drug suspect na sina alyas Jopet, 35, ng Bgy. Gugo, Calumpit, Bulacan at alyas Itik, 33, ng Bgy. San Roque, Gapan City, na parehong natimbog sa isinagawang operasyon sa bahay ni alias Itik dakong 3:50 a.m.

Nakuha mula sa dalawa ang mga paketeng may lamang shabu na may timbang na 4.40 gramo at may halagang P29,920.

Sa isa pang manhunt operation, isang concerned citizen ang nagbigay ng tip sa pulisya tungkol sa isang lalaki na tinaguriang number one most wanted felon sa bayan ng Rizal, na nagresulta sa pagkakaaresto nito sa Bgy. Estrella bandang 8:55 a.m.

Sinabi ni Police head Major Damaso G. Feliciano Jr. na ang pag-aresto sa suspek ay isinagawa sa bisa ng warrant para sa panggagahasa na inisyu ng Cabanatuan City regional trial court Branch 26 na walang piyansang inirekomenda para sa kanyang pansamantalang paglaya mula sa detensyon.

Ang lima pang wanted na tao ay nasakote sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya na isinagawa sa Cabanatuan City at Science City of Muñoz at mga bayan ng Gabaldon, San Leonardo, at Lupao para sa arrest warrant sa direct assault, qualified theft, cyber libel, theft at grave oral defamation.

Pinuri ni Nueva Ecija top cop Col. Ferdinand D. Germino ang kanyang mga tauhan sa kanilang mga nagawa. Sinabi niya: “Ito ang mandato naming kapulisan na maghatid ng de-kalidad na serbisyo sa aming komunidad, at hindi kami magsasawa sa paggawa nito.”