Negosyante nilooban sa Malabon, P.7M natangay

Edd Reyes Oct 16, 2026
59 Views

TINANGAY ng hindi pa kilalang kawatan ang mahigit P.7 milyong halaga ng salapi at alahas sa loob ng bahay ng 28-anyos na binatang negosyante sa Malabon City.

Natuklasan ng biktimang si alyas “Tom” ang pagnanakaw nang magising siya ng alas-8:05 noong Huwebes ng umaga at mapansing bukas ang pintuan sa terrace ng kanyang bahay sa Azucena St. Brgy. Longos at wala na ang US$10,000 cash na katumbas ng P630,000, at tatlong mamahaling relos na nagkakahalaga ng kabuuang P79,000.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, dakong alas-7:50 na noong Huwebes ng gabi inireport ng biktima sa pulisya ang nangyaring panloloob kaya’t nang mag-responde ang mga tauhan ng Northern Police District-Forensic Unit (NPDFU) sa pangunguna ni P/Maj. Sonny Boy Tepace, kontaminado at nasira na ang mga ebidensiyang posibleng makalap sa lugar ng krimen.

Ikinatuwiran ng biktima na hindi kaagad niya nai-report ang pangyayari sa pulisya dahil inuna muna niya ang iskedyul ng nakatakda niyang pagpunta sa tanggapan ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa Malabon City Hall.

Wala namang nakita ang mga imbestigador ng palatandaan na puwersahang binuksan ang pintuan sa terrace ng bahay kung saan umano pumasok ang mga suspek habang sinusuri na ang kuha ng mga CCTV sa lugar na posibleng makatulong sa pagkakakilanlan sa mga suspek.