Calendar
Super bagyo posibleng pumasok sa PAR sa Martes
POSIBLENG pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Oktubre 20 ang super typhoon Champi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), bagama’t maliit ang posibilidad na direktang tumama ito sa kalupaan.
Namataan ang bagyo sa layong 2,090 kilometro silangan ng timog-silangang Luzon at papangalanang Rosal kapag nasa PAR na.
Taglay ni Champi to ang lakas ng hanging 185 kilometers per hour (kph) at pagbugso na hanggang 230 kph.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 25 kph at inaasahang lilihis pahilagang-kanluran patungong Taiwan.
Dahil sa lawak ng sakop ng hangin, posibleng magtaas ng mga wind signal sa ilang bahagi ng Bicol at hilagang Luzon simula sa Lunes ng gabi o Martes ng umaga.
Maaari ring magdulot ng kalat-kalat na pag-ulan sa silangang bahagi ng bansa ang extension ng bagyo.
Samantala, posibleng makaranas ng masamang panahon sa dulong hilagang Luzon sa Huwebes at Biyernes bago tuluyang lumabas sa PAR ang bagyo sa Oktubre 24.
