Calendar
LTFRB inaprubahan permit ng 1,100 buses para sa Undas
INAPRUBAHAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang special permit para sa mahigit 1,100 public transport bus para sa Undas.
Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., umabot na sa 384 aplikasyon ang naaprubahan, na sumasaklaw sa 1,131 bus, upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero sa paggunita ng Undas.
Aniya, 28 pang aplikasyon na sumasaklaw sa humigit-kumulang 90 bus ang kasalukuyang sinusuri.
“Mahigpit nating sinusuri ang mga unit na bibigyan ng special permit upang matiyak na ligtas ang mga ito sa malalayong biyahe.
Hindi dapat maisakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada,” ani Pua.
Nauna nang inanunsiyo ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na inaasahan nito ang mahigit 1.9 milyong pasahero sa Undas, kabilang ang mga bibiyahe patungo sa Luzon, Visayas at Mindanao at pabalik.
Ayon kay Pua, mahalagang madagdagan ang mga bus na bibiyahe upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga pasahero.
Ayon kay LTFRB Executive Director Atty. John Paul Allen Victa, 1,080 sa mga naaprubahang bus ang magmumula sa Metro Manila.
Kabilang dito ang 402 para sa Northern Luzon, 290 para sa Central Luzon, 185 para sa Southern Luzon, 61 para sa Bicol, 19 para sa Eastern Visayas, 13 para sa Western Visayas at 10 para sa Mindanao.
Ang iba pang bus ay bibiyahe sa mga ruta sa Northern Luzon, Central Luzon, at Bicol Region na hindi dadaan sa Metro Manila.
Inatasan na rin ni Pua ang lahat ng Regional Franchising and Regulatory Office na subaybayan ang sitwasyon ng mga pasahero sa kani-kanilang nasasakupan upang maiwasang may mga commuter na ma-stranded.
