Calendar
Undas 2026, maagang pinaghandaan ng Malabon City Government
NANAWAGAN si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa pamilyang Malabueño na bibisita sa sementeryo na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan at sundin ang mga panuntunang ipatutupad para sa ligtas, tahimik, at maayos na paggunita ng Undas 2026.
Bukod sa pagsunod sa mga alituntunin, pinaalalahanan din ng alkalde ang lahat na panatilihing malinis ang kapaligiran, maging alisto sa kanilang mga personal na gamit, ireport sa kinauukulan kung may nakitang kahinahinalang aktibidad, at tiyaking may kasama ang bata at matatanda sa pagtungo sa puntod ng namayapang mahal sa buhay.
Noon pang Oktubre 15 naglatag ng kahandaan sa paggunita sa Undas ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kasama ang mga tanggapan ng lokal na pamahalaan, Malabon City Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP) Malabon,at katuwang na ahensiya para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng tutungo sa pitong Kampo Santo at columbara sa lungsod.
Ayon kay MDRRMO Officer-in-Charge Roderick Tongol, inaasahan nilang aabot sa 98,463 ang bilang ng mga bibisita sa mga sementeryo ng Everlasting Peace Cemetery, Our Lady of Lourdes Eternal Park, San Bartolome Cemetery, Immaculate Concepcion, La Purisima Concepcion, Immaculate Heart of Mary, Sto. Rosario Parish, at Tugatog Cemetery mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, 2026.
Bawal din ang pagdadala ng baril, lahat ng uri ng matalim at matulis na bagay, lahat ng nakalalasing na inumin, mga bagay na madaling magliyab, lahat ng uri ng paputok, mga instrumentong lumilikha ng labis na ingay, at bawal din ang magsugal, manigarilyo, mag-vaping, at mag-overnight sa loob ng Kampo Santo.
“Sa pamamagitan ng pakikiisa, pagsunod sa mga alituntunin, at pagiging mapagmatyag, makatutulong tayo upang matiyak ang kaligtasan ng lahat at mabigyan ang bawat pamilya ng pagkakataong alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay nang mapayapa at maayos,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.

