MPS Ang pormal na pagdulog ni Major Ernesto V. Esguerra hinggil sa hiling na i-upgrade ang antas ng kapulisan sa Class A. STEVE A. GOSUICO

San Antonio MPS nais maitaas ang antas sa Class A

Steve A. Gosuico Oct 22, 2026
205 Views

MPS1MPS2SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Humiling ang kapulisan ng primera klaseng bayan ito sa Sangguniang Bayan na itaas ang antas ng klasipikasyon ng istasyon nito mula sa pagiging Class B patungong Class A.

Ito ang nilalaman ng sulat-kahilingan ni San Antonio municipal police head Major Ernesto V. Esguerra sa SB na mag-pasa ng resolusyon na sinusuportahan nito ang “proposed upgrading of the present classification of the SAMPS from Class B to Class A.”

Pormal na dumulog si Major Esguerra sa ika-63 na bilang ng regular session ng SB kaharap si Vice Mayor Arvin C. Salonga upang personal na hilingin ang bagay na ito noong Lunes, Oktubre 19.

Ayon kay Esguerra: “Layon ng inisyatibong ito na palakasin ang mga operasyon ng pulisya kontra kriminalidad at tiyakin ang pagkakaloob ng sapat na tauhang mapagkukunan, at mga pasilidad upang epektibong matugunan ang lumalaking pangangailangan ng pagpapatupad ng batas at kaligtasan ng publiko.”

Nakumpleto na aniya ng SAMPS ang “prerequisite” sa income at populasyon ng San Antonio at tanging ang resolusyon ng pag-aproba mula sa SB at kay Mayor Angelita “Gege” Salonga-Esquivel ang kailangan na lang na isumite pa.

“Kapag naging Class A ang San Antonio MPS, unang-una dadami po ang personnel namin na katuwang sa peace and order initiatives ng bayan at pwede na po magkaroon ng dagdag puwersa ng pulis sa barangay katulad ng foot patrols at police visibility,” pahayag ni Esguerra sa Journal Group.