LPA Larawan: PAGASA/FB

LPA binabantayan ng PAGASA; Bagyong Rosal nasa PAR na

41 Views

NASA loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong may lokal na pangalang Rosal at international name na Champi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, Oktubre 23.

Batay sa abiso ng PAGASA alas-8 ng umaga, namataan ang bagyo sa layong 285 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging 150 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 185 kph habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.

Dahil sa bagyo, inaasahang makaranas ang Batanes ng 50 hanggang 100 milimetrong pag-ulan mula ngayong Biyernes hanggang tanghali ng Sabado, Oktubre 24. Maaaring mas mataas ang matatanggap na ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar, habang maaari ring lumala ang epekto nito dahil sa mga naunang pag-ulan.

Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) sa layong 2,320 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao. Gayunman, mababa ang posibilidad na maging tropical depression ang nasabing sama ng panahon sa loob ng susunod na 24 oras.

Pinayuhan ang mga kinauukulang disaster risk reduction and management office na magsagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian. Pinapayuhan din ang publiko na subaybayan ang mga susunod na abiso ng PAGASA, lalo na ang mga babala sa malakas na pag-ulan sa kani-kanilang lugar.