NMIS Source: NMIS

DA, NMIS hinilingang higpitan inspeksyon ng karne matapos seizures sa Bulacan

46 Views

HINIMOK ni Sen. Joel Villanueva noong Biyernes ang Department of Agriculture (DA) at National Meat Inspection Service (NMIS) na higpitan ang pagbabantay sa kaligtasan ng karne at bigyan ng gamit, training at technical support ang mga lokal na pamahalaan.

Ito’y kasunod ng pagkumpiska noong Oktubre 16 sa 3 metriko toneladang karne na hindi dumaan sa inspeksyon sa Malolos Public Market sa Bulacan, ayon sa senador. Nagkakahalaga ng P634,000 ang nakumpiskang karne.

Noong Setyembre, nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Santa Maria, Bulacan ang tinatayang 10 hanggang 15 metriko toneladang frozen chicken na nagkakahalaga ng P7 milyon.

Kasabay ito ng mga alegasyon na ibinebenta umano ang mga nakumpiskang imported na karne na dapat sana ay sisirain na.

“Hindi po sapat na mangumpiska tayo ng karne sa palengke. Kailangan matukoy kung saan ito nanggaling,” ani Villanueva.

Iginiit ng senador na dapat makatiyak ang mamimili na dumaan sa inspeksyon at ligtas ang pagkakahawak sa karneng ibinebenta sa mga pampublikong pamilihan.

Binanggit din ng senador ang pangangailangang protektahan ang mga lehitimong livestock at poultry producer, meat processor at tindero na sumusunod sa food safety standards.

“Hindi patas na ang mga sumusunod sa regulasyon ay kailangang makipagsabayan sa mga produktong hindi dumaan sa parehong standards,” wika ng senador.

Ipinunto ni Villanueva na magkatuwang ang NMIS at mga LGU sa pagpapatupad ng inspeksyon ng karne sa ilalim ng Meat Inspection Code.

Nanawagan siya ng mas maayos na koordinasyon, sapat na inspection equipment, training ng mga tauhan, meat traceability system o paraan ng pagtunton sa pinanggalingan ng karne, at maayos na pasilidad para sa pagtatapon nito.

Kasama rito ang mga safeguard para matiyak na ligtas na naiingatan at napatutunayang nasisira ang mga nakumpiskang karne upang hindi na makabalik sa merkado.

“May malinaw na responsibilidad po ang ating mga LGU sa pagpapatupad ng meat inspection standards, pero kailangan din nila ng sapat na kagamitan, training, at technical support mula sa national government,” paliwanag niya.

Ayon kay Villanueva, dapat may kaukulang aksyon, kabilang ang administrative penalty kung nararapat, laban sa lalabag sa mga patakaran sa paghawak ng karne.