Bill

Tulfo nanawagang huwag na magpataw ng bill deposit at payagan ang hulugan

31 Views

NANAWAGAN si Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Energy, sa mga power distributor na huwag nang magpataw ng bill deposit at payagang magbayad nang hulugan ang mga konsyumer.

Hindi makatarungan, ani Tulfo, na lumobo ang singil sa kuryente dahil sa bill deposit nang wala man lang kamalay-malay ang mga konsyumer.

“Sa gitna ng kawalan ng kasiguraduhan dahil sa super El Niño, lalo na pagdating sa bulsa ng mga pamilyang Pilipino, pakiusap, maging makatao kayo at huwag nang magpataw ng mga karagdagang bayaring ito,” sabi ni Tulfo.

Umani ng reklamo online at offline ang bill deposit. May mga konsyumer na nagsabing halos dumoble ang kanilang singil.

“Malinaw sa reaksyon ng ating mga kababayan na sila nabigla at tila naisahan sila sa pagtaas-singil na ito. Ang pagbabayad ng kuryente ay parte na ng buwanang gastusin, kaya kapag may ganitong mga biglaang dagdag-singil, dagdag-pasakit ‘yan,” dagdag ng senador.

Ipinagpaliban na ng Manila Electric Co. (Meralco) ang paniningil ng bill deposit. Pero ipinunto ni Tulfo na hindi malinaw kung paano ito lumabas sa bill ng mga konsyumer.

“Karamihan sa mga reklamong ipinarating sa amin ay mas mataas pa ang ‘other charges’ kaysa sa actual consumption charges, pero hindi naman maintindihan ng mga kababayan natin kung para saan ang mga dagdag na singil na ito,” wika niya.

Sa ilalim ng Magna Carta for Residential Electricity Consumers, nagsisilbing garantiya ang bill deposit sa bayad sa kuryenteng nagamit pero hindi nabayaran pagkalipas ng due date.

Kinilala ni Tulfo na puwedeng maningil ng bill deposit ang mga power distributor. Pero iginiit niyang may karapatan din ang mga konsyumer sa malinaw at transparent na pagsingil sa ilalim ng parehong Magna Carta.

Suportado rin ng senador ang mga bagong patakaran ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa bill deposit.

“Bukod sa pagtiyak ng transparent billing, gampanan ninyo ang inyong corporate social responsibility at payagan ang mga konsyumer na magbayad nang hulugan,” panawagan ni Tulfo sa mga power distributor.

Inatasan na ng ERC ang mga power distributor na bigyan ang mga konsyumer ng opsiyong bayaran ang bill deposit sa tatlong pantay na buwanang hulog.