Calendar
Pagtaas ng retirement age ng PNP, BJMP, BFP suportado ni Sotto
SINUPORTAHAN ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ang mga panukalang itaas ang compulsory retirement age, o ang edad ng sapilitang pagreretiro, ng mga pulis, jail officer at bombero.
Saklaw ng mga panukala ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Biyernes, Oktubre 23, ipinaliwanag ni Sotto na humahaba na ang buhay ng tao dahil sa pag-unlad ng medisina.
Ayon kay Sotto, maaaring sapat na dahilan ang nagbabagong kalagayan para palawigin nang isang taon ang compulsory retirement age. Dagdag niya, naging epektibo ang kahalintulad na patakaran sa Armed Forces of the Philippines.
Ikinuwento ng senador ang karanasan niya sa reunion ng kanilang high school. Noong ika-25 anibersaryo, marami umano sa mga dumalo ang mukhang mahina na. Pero sa ika-50 anibersaryo, buhay pa, malakas at aktibo ang karamihan sa kanyang mga kaklase.
Sa ilalim ng umiiral na batas, 56 anyos umano ang compulsory retirement age ng mga uniformed personnel ng PNP, BJMP at BFP. Naghain umano si Senador Panfilo “Ping” Lacson noong Agosto ng Senate Bill Nos. 2395 at 2396 para gawin itong 57.
“There have been greater advances in medicine, so perhaps the time is right for this,” ani Sotto.

