Calendar
Pulis, may asawang trainee nahaharap sa kasong adultery
ARESTADO ang isang pulis-Maynila at ang babaeng police trainee na asawa ng isa pang pulis matapos silang maaktuhang magkasama sa isang apartelle sa Novaliches, Quezon City, noong Biyernes ng umaga.
Nahaharap sa reklamong adultery ang mga suspek na kinilalang si alyas “Pat,” isang patrolman na nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 11, at ang babaeng police trainee na isang taon nang kasal sa nagreklamong mister na pulis din ng MPD.
Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), humingi ng tulong ang mister sa Quezon City Police District-Station 4 at sa Violence Against Women and Children (VAWC) Desk ng Barangay Bagbag matapos matuklasang nag-check-in sa Starcia Apartelle ang kanyang misis at ang kapwa nito pulis.
Dakong alas-10 ng umaga noong Oktubre 24, kinumpirma ng receptionist na nasa loob ng kuwarto ang dalawa kaya nagtungo roon ang mga awtoridad.
Habang naghihintay sa lobby, nakita nilang lumabas ang babae sa Room 15 at lumipat sa bakanteng Room 30, kung saan siya naaresto.
Samantala, nagtangkang magtago sa stockroom ng apartelle ang pulis ngunit agad din siyang nasukol ng mga awtoridad.
