Calendar
Mas maraming taga-Oriental Mindoro naaabot ng libreng medikal serbisyo

ORIENTAL MINDORO — Patuloy na inilalapit ni Mayor Jennifer Mindanao Cruz ng Pola ang libreng serbisyong medikal sa mga residente ng Oriental Mindoro sa pamamagitan ng pag-iikot ng “LAB for All” bus na handog ni First Lady Liza Marcos sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Ngayong Linggo, Oct, 25, muling nagsagawa ng medical mission sa Barangay Sto. Niño, Calapan City upang maabot ang mas maraming residente, lalo na ang mga nasa liblib na komunidad na may limitadong access sa serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay Cruz, siya lamang ang pinagkalooban ng LAB for All bus sa buong Oriental Mindoro kaya nais niyang gamitin ito upang maihatid ang libreng serbisyong medikal sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob nang walang bayad ang general consultation, basic laboratory services gaya ng X-ray, libreng gamot at dental services sa pangunguna ni Dr. Dianna Datu-Retusto.
Matapos ang isinagawang medical mission sa Naujan at Calapan City, nakatakdang puntahan sa Nobyembre ang mga bayan ng Bongabong at Roxas.
Sa pamamagitan ng programang ito, layuning mabawasan ang gastusin at hirap sa pagbiyahe ng mga residente upang makakuha ng pangunahing serbisyong pangkalusugan.

