Calendar
2 dayuhan kinulong 2 Pinoy para magtrabaho sa ‘Love Scam’
INIHAYAG nitong Linggo ni Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director Major General Robert Alexander A. Morico II ang pagkakaaresto sa isang Malaysian at isang Taiwanese national dahil sa umano’y ilegal na pagkulong sa tatlong Pilipinong kanilang kinuha upang magtrabaho diumano sa negosyong may kaugnayan sa umano’y “Love Scam.”
Ayon sa opisyal, nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, serious illegal detention, at grave coercion ang 32-anyos na Taiwanese na may alyas na “Pen” at ang 38-anyos na Malaysian na may alyas na “Lee.”
Sinabi ni Maj. Gen. Morico na inaresto ng mga tauhan ng CIDG Manila District Field Unit sa ilalim ng pamumuno ni Lieutenant Colonel Angelo Camuyot, katuwang ang Manila Police District (MPD), ang dalawang dayuhan sa loob ng isang condominium building sa Malate, Manila. Nailigtas naman doon ang tatlo nilang biktima, na kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, nagre-recruit umano ang mga suspek ng mga Pilipinong manggagawa para sa trabahong tinatawag na “Virtual Assistant,” na may buwanang sahod na US$400 hanggang US$500 at karagdagang US$100 na insentibo para sa mga empleyadong may perpektong attendance.
Napag-alaman na ang mga biktima, na nagmula sa Samar, Dumaguete, at Pasay, ay ikinulong umano ng mga suspek sa condominium unit mula pa noong Oktubre 23. Kinumpiska rin ang kanilang mga cellphone at pinilit silang magtrabaho mula alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi araw-araw.
Iniulat na inuutusan ang mga biktima na isaulo ang mga script na pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon ng “Love Scam” at underground Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Nailigtas ang mga biktima bago pa man sila mailipat ng mga suspek sa Bohol, kung saan nakatakda umano silang gamitin sa kaparehong ilegal na operasyon.
Ayon naman kay CIDG National Capital Region Chief Colonel John Guiagui, nakarekober ang mga awtoridad sa sinalakay na establisimyento ng mga laptop, cellphone, identification card, mga dokumento, at isang bag na naglalaman ng mga script na ginagamit umano sa “Love Scam.”

