Calendar
14-anyos na binatilyo tinutukan ng screwdriver, hinoldap ng 3 minor
TATLONG menor de edad ang nasa kustodiya ng Quezon City Police District (QCPD) matapos umanong tutukan ng screwdriver at holdapin ang isang 14-anyos na binatilyo sa Barangay Payatas, Quezon City, noong Oktubre 31.
Tinangay ng mga suspek ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng ₱16,000 at ₱500 cash.
Sa ulat ng Payatas-Bagong Silangan Police Station (PS 13), naglalakad ang biktima kasama ang dalawa nitong kaibigan malapit sa isang basketball court sa Lanzones Street, Barangay Payatas B, dakong alas-8:45 ng gabi nang makasalubong ang tatlong menor de edad.
Isa sa mga suspek ang nagbanta sa biktima gamit ang screwdriver at kinaladkad ito sa isang eskinita. Doon kinuha ang Samsung cellphone nitong nagkakahalaga ng ₱16,000 at ₱500 cash.
Nakatakas naman ang dalawang kasama ng biktima at humingi ng tulong sa kanilang mga magulang, na agad na nagreport sa mga opisyal ng barangay at pulisya.
Dakong alas-3 ng hapon noong Nobyembre 1, kusang dinala ng mga guardian ang tatlong menor de edad sa PS 13. Nabawi rin ng mga awtoridad ang cellphone ng biktima.
Isasailalim ang mga menor de edad sa kaukulang proseso, kabilang ang pagsusuri sa kanilang edad, kakayahang umunawa sa kanilang ginawa, at pagiging kuwalipikado sa diversion alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act. Ire-refer din sila sa Quezon City Social Services Development Department para sa angkop na pagtatasa at interbensyon.
Ayon kay QCPD acting district director PBGen Christopher Olazo, titiyakin ng pulisya ang pagsunod sa batas at paggalang sa mga karapatan ng mga menor de edad habang isinasagawa ang kaukulang proseso.
