Tulfo pinuna pagbabago, pagbura sa voucher para sa P64K bayad kay VP Sara

35 Views

PINUNA ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang mga sulat-kamay na pagbabago at binurang petsa sa isang disbursement voucher na may kaugnayan sa P64,194.72 na ibinayad ng Davao City government kay Vice President Sara Duterte.

Sa ika-41 araw ng impeachment trial nitong Martes, ipinunto ni Tulfo na ginuhitan ang orihinal na typewritten na entry sa voucher at pinalitan ng sulat-kamay na entry na may ibang petsa.

Tinanong niya kung karaniwan ba ang ganitong pagbabago sa mga opisyal na dokumento ng pagbabayad. Hinihintay daw niyang may magtanong kung bakit ginawa ito, pero nakatuon umano ang pagtatanong sa mga pirma.

Ayon kay Tulfo, kung para sa serbisyo ni Duterte bago siya naging Bise Presidente ang bayad, dapat sana ay hinintay na lang matapos ang kanyang termino bago ito ibinigay. Alam naman daw ng lahat na bawal ang double compensation habang Bise Presidente.

Ayon sa testigong si Davao City Accountant Vingelin Bajan, salary differential ang P64,194.72 para sa 2020 at 2021, nang mayor pa ng lungsod si Duterte. Sinabi rin niyang may petsang Disyembre 30, 2022 ang disbursement voucher, pero Enero 2023 na nailabas ang bayad dahil noon lang daw nakumpleto ang mga dokumento.

Iginigiit ng prosekusyon na tumanggap ang Bise Presidente ng unauthorized double compensation habang nanunungkulan. Sa cross-examination, inamin ni Bajan na hindi nakasaad sa 2023 tax form na pinirmahan niya na salary differential ang bayad.

Sa redirect examination, sinabi ni Bajan na walang inilabas ang Commission on Audit (COA) na audit observation memorandum, notice of suspension o notice of disallowance sa P64,194.72.

Iginiit naman ng depensa na bayad ito sa naunang serbisyo ni Duterte bilang alkalde, at hindi sa trabaho niya bilang Bise Presidente.