Solar

ESCUDERO: KITA, POSIBLENG DAHILAN NG PAGTUTOL NG ELECTRIC CO-OPS SA SOLAR SA MGA SENTRO NG BAYAN

53 Views

KINUWESTYON ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang tila pagtutol ng mga electric cooperative sa paglalagay ng solar home system sa mga sentro ng bayan at lungsod. Posible aniyang ayaw ng mga kooperatiba na mawala ang kita nila mula sa mga bahay at negosyo sa mga lugar na madaling maningil at mababa ang system loss.

Ang system loss ay ang kuryenteng nalikha at nabayaran na pero nawawala bago makarating sa mga konsyumer.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement nitong Martes, Nobyembre 10, sinabi ni Escudero na kadalasang nasa sentro ng bayan at lungsod ang mga may kakayahang magpakabit ng solar home system. Mas mataas ang koleksyon at efficiency sa mga lugar na ito kumpara sa malalayong lugar, paliwanag niya.

Tila mas hilig naman ng mga kooperatiba na isulong ang solar sa malalayong lugar, ani Escudero. Sa ganitong paraan, hindi na nila kailangang magtayo ng poste at linya ng kuryente sa tinatawag na missionary routes, o mga liblib na lugar na hindi kumikita ang pagpapailaw, at nababawasan pa ang kanilang system loss.

Binanggit din ng senador na may itinakdang cap o limitasyon sa system loss, at posible pa itong alisin.

Dahil dito, pinahihirapan ng mga kooperatiba ang mga sambahayan sa sentro ng bayan na magpakabit ng solar, giit ni Escudero, dahil mababawasan nito ang kita nila sa mga lugar na madaling maningil.

Sinabi naman ni National Electrification Administration (NEA) Deputy Administrator Rossan Rosero-Lee na hinihikayat ng ahensya ang mga electric cooperative na gumamit ng renewable energy, kabilang ang solar home systems, sa mga rural at urban na lugar. Iaakyat daw niya sa administrasyon ang concern ni Escudero.

Kabilang umano sa mga panukalang tinalakay sa pagdinig ang mga Senate bill tungkol sa pagpopondo ng solar home systems para sa social housing program.