Calendar
Bam: Masustansiya, libreng pagkain sa public K-3 students lusot sa bicam
LUSOT na sa bicameral conference committee ang panukalang magbibigay ng libre at masustansiyang pagkain sa lahat ng estudyanteng Kindergarten hanggang Grade 3 sa mga pampublikong paaralan.
Ito ang inihayag nitong Sabado ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino, principal sponsor ng National Children’s Nutrition Program Act o Libreng Pagkain sa Paaralan.
Si Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, ang nanguna sa mga kinatawan ng Senado sa bicam.
Sa bicam pinag-iisa ng mga kinatawan ng Senado at Kamara ang magkaibang bersiyon ng isang panukala.
Kailangan pang ratipikahan ng Senado at Kamara ang pinal na bersiyon bago ito ipadala sa Malacañang para sa lagda ng Pangulo.
Kapag naisabatas, saklaw din ng programa ang mga estudyanteng Grade 4 hanggang Grade 6 na kulang sa nutrisyon.
Ayon kay Aquino, palalawigin ng pinagsamang bersiyon ang feeding program sa mga paaralan mula 120 araw hanggang sa buong academic year.
“Mas madaling matuto ang ating mga anak kapag may laman ang kanilang mga sikmura at nabibigyan ng tamang nutrisyon habang nag-aaral,” wika ng senador.
Nakapaloob din sa panukala ang tinatawag na life-stage approach sa nutrisyon. Ibig sabihin, may tulong mula sa pagbubuntis at sa mga unang taon ng bata hanggang sa kanyang pag-aaral, paliwanag ni Aquino.
Sinabi rin ni Aquino na makakatulong ang programa sa mga magulang na nagsisikap mapag-aral ang kanilang mga anak habang tinitiyak na may pagkain sa mesa.
“Malaking kabawasan sa kanilang alalahanin at gastusin kapag may libre at masustansyang pagkain ang mga bata sa paaralan,” ani Aquino.
Inaamyendahan umano ng panukala ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
Pinagtibay umano ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2272 noong Setyembre 14, 2026, sa botong 19-0-0. Inaprubahan naman umano ng Kamara ang House Bill 9466 noong Hunyo 3, 2026.

