Pangilinan

Pag-assess ng lote sa Samal gamit Google Maps kinuwestyon ni Kiko

36 Views

KINUWESTYON ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan kung paano natiyak ng Samal city assessor na walang improvement ang isang 751-square-meter na lote na may kaugnayan sa SALN ni Vice President Sara Duterte, matapos sabihin ng testigo na hindi sila nakapasok sa lugar.

Ang improvement ay anumang gusali o istrukturang itinayo sa lupa na nakadaragdag sa halaga nito para sa real property tax.

Sa ika-41 araw ng impeachment trial nitong Martes, tinanong ni Pangilinan si Samal City Assessor Engr. John Kenneth Enumerables kung may improvement ang lote, at kung kailangan bang isama ito sa pag-assess ng real property tax.

Kinumpirma ni Enumerables na kailangang isama ang improvement sa assessment. Pero batay raw sa kanilang rekord at sa Tax Map Control Roll, walang improvement ang lote.

Sinabi ng testigo na hindi sila nakapasok sa lugar dahil wala silang pahintulot, kaya tiningnan na lang nila ito sa Google Maps at Google Earth. Wala rin daw silang litrato ng lote.

Ipinaalala ni Pangilinan na noong Lunes, sinabi ng unang testigo ng depensa, si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin, na hindi niya alam kung may improvement, gaya ng restaurant, ang ari-ariang tinalakay noon sa Davao City.

“Yun lang po, 750 sqm na nag-debate tayo ng 2 oras,” ani Pangilinan.

Nakapangalan ang lote kay Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ng Bise Presidente. Barangay Matanos ang nakasulat na lokasyon nito sa titulo at sa SALN, pero Barangay San Isidro ang nasa rekord ng assessor.

Pinagtatalunan ng prosekusyon at depensa kung iisa ang lote at ang ari-ariang nakadeklara sa SALN ng Bise Presidente.