Calendar
Import ban sabayan ng bantay presyo ng pork
IKINALUGOD ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan noong Martes, Nobyembre 10, ang 60-araw na pagbabawal ng Department of Agriculture (DA) sa pag-angkat ng karne ng baboy.
Kasabay nito, hinimok niya ang DA na mahigpit na bantayan ang farmgate price habang umiiral ang ban.
Ayon kay Pangilinan, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, makatutulong ang hakbang para mabawi ng mga hog raiser ang kanilang gastos sa produksyon at mapanatili ang kanilang kabuhayan.
“Matagal nang hinaing ng ating mga hog raisers ang mababang farmgate prices dahil luging-lugi naman sila sa napakataas na cost of production ng pag-aalaga ng baboy. Kaya we welcome this development from the DA—magandang unang hakbang ang pagpipigil sa pagpasok ng imported na karne ng baboy para makabangon naman ang ating hog industry,” ani Pangilinan.
Ang farmgate price ang presyong natatanggap ng magbababoy kapag ibinenta niya ang buhay na baboy.
Ayon sa senador, bumagsak ang farmgate price ng buhay na baboy mula humigit-kumulang P215 kada kilo noong Hunyo 2025 sa halos P150 kada kilo noong Agosto 2026. Sa ilang lugar, naglaro umano ang presyo sa P120 hanggang P160 kada kilo, na hindi sapat para mabawi ng maraming magbababoy ang kanilang gastos.
Ipinunto ni Pangilinan na mabibigyan ng ban ang mga lokal na magbababoy ng pagkakataong maibenta ang kanilang baboy sa mas makatwirang presyo, mabawi ang kanilang puhunan at patuloy na makapagsuplay sa lokal na merkado.
Saklaw ng ban ang sariwa, chilled at frozen na karne ng baboy gaya ng buo at kalahating carcass o katawan ng kinatay na baboy; hamon, balikat at mga hiwa nito na may buto; at sariwa, chilled at frozen na edible offal o lamang-loob ng baboy.
Iginiit ni Pangilinan na hindi dapat ituring na isang beses lang na interbensyon ang 60-araw na ban. Dapat aniya itong maging bahagi ng mas malawak na pagsisikap na buhayin muli ang lokal na industriya ng baboy.
“Hindi naman natin isasara ang pintuan sa pork imports. Ang gusto natin ay kontrolado at tamang timing sa pagpasok ng mga imported na agricultural products, tulad ng karneng baboy, para hindi nito mapatay ang kabuhayan ng ating mga magbababoy,” dagdag pa niya.
Hiniling din ng senador sa DA na suriin kung sapat ang 60 araw para makabawi ang mga magbababoy.
Dapat aniyang handa ang pamahalaan na palawigin ang ban o magpatupad ng dagdag na hakbang kung mananatiling mas mababa sa gastos sa produksyon ang farmgate price. Kasabay nito, dapat tiyaking abot-kaya pa rin ang karne ng baboy para sa mga mamimili.
“The ultimate goal is to protect both our producers and consumers. Kailangan nating siguraduhin na kumikita nang maayos ang ating mga magbababoy habang ang pamilyang Pilipino naman ay nakakayanang bumili nito sa merkado,” wika ni Pangilinan.

