Vic Reyes

BOC well-trained para tukuyin mga bagaheng may bawal na gamot

Vic Reyes Nov 4, 2026
25 Views

MAGANDANG araw sa lahat ng ating mga suki, lalo na sa Japan at Oman.

Nawa’y nasa maayos at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin ang mga kababayan natin sa Japan na sina Ma. Theresa Yasuki, La Dy Pinky, Mama Aki, Tata Yap Yamazaki, Endo Yumi, Lorna Pangan Tadokoro, Patricia Coronel, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at Hiroshi Katsumata.

Ganun din kina Joann de Guzman, Jocelyn De leon ng Oman at iba pang OFW.

Mabuhay kayong lahat!

***

Grabe na ang kasamaan ng mga tao at grupong nagpaparating ng mga illegal na droga sa Pilipinas.

Sumasabay sila sa taunang pagdagsa ng mga bagaheng naglalaman ng “Christmas items” na pinapadala ng mga kababayan nating nasa ibang bansa.

Akala ng mga ismagler na ito, makalulusot ang kanilang mga kontrabando sa iba’t ibang ports of entry na pinangangasiwaan ng Bureau of Customs (BOC).

Ang hindi nila alam, well-trained na ang mga taga-BOC para matukoy ang mga bagaheng may lamang mga ipinagbabawal na gamot.

Hindi lang yan. Kumpleto sila ng mga makabagong kagamitan para gamitin sa nationwide anti-illegal drug operations.

Nandiyan pa ang mga partner-agencies nila, na kagaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Kamakailan nga lang ay nakasabat ang mga tauhan ng BOC-Port of Clark ng dalawang shipment na naglalaman ng 19.84 gramong ketamine.

Nagkakahalaga ng mahigit na P99 milyon, ang illegal na droga ay nanggaling ng Switzerland at Rotterdam, The Netherlands.

Ang unang shipment, na nanggaling sa Switzerland, ay may lamang 9,882 gramo ng ketamine. Idineklara itong naglalaman ng roasted coffee beans, coffee machine, at mga kagamitan sa paggawa ng kape.

Ang pangalawang shipment mula sa Rotterdam, The Netherlands, ay may lamang ketamine na tumitimbang ng 10,007 gramo. Idineklara naman itong sodium bicarbonate cleaning powder.

Pagkatapos ng laboratory analysis na isinagawa ng PDEA ay napatunayang positibo sa ketamine ang mga nakuhang substansiya.

Tiniyak ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patuloy na ipatutupad ng BOC ang mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ang mga direktiba ay kinabibilangan ng pagpapaigting sa isinasagawang nationwide campaign laban sa ismagling at hihigpitan ang pagbabantay sa mga hangganan.

Binigyang din naman ni Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay dahil sa paparating na Christmas Season.

“Inaasahan nating darami pa ang mga parcel na darating sa pamamagitan ng air express carriers. Kaya higit pang paigtingin ang pagsusuri sa mga dokumento at pisikal na inspeksyon,” dagdag ni Collector Reyes.

***

Isinagawa ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang araw na unang “Export Summit” para matulungan ang mga exportador ng bansa.

Maliban sa mga taga-BOC, dumalo din sa October 26-27 “Export Summit” ang mga negosyanteng nagbebenta ng mga produkto sa labas ng bansa.

Inorganisa ng BOC ang miting sa tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA).

Malaking papel ang ginampanan ni Deputy Commissioner Agaton Teodoro O. Uvero para magtagumpay ang pulong.

Si Depcom Uvero ang hepe ng Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG) ng BOC.

Sumentro ang usapan sa mga practical issues na nakakaapekto sa mga exportador.

Ito ay isinagawa upang tulungan ng gobyerno na makahanap ang mga negosyante ng mga panibagong international markets.

“Government agencies must remain attentive to the concerns of exporters and ensure that policies and services keep pace with their needs,” ayon kay Port Operations Service Director Melon Carlo M. Santiago.

Ang summit participants ay tumanggap ng “updates on customs processes, Free Trade Agreements (FTAs), export-related programs, and developments involving the ASEAN Single Window.”

Sinabi ni Commissioner Nepomuceno na ang BOC ay mananatiling “focused on helping Philippine businesses reach more markets abroad.”

(Para sa komento at pagbati, mag-text sa #0917-8624484/email: philipreyes08@yahoo.com.)