Calendar
Utay-utay na oil price rollback
NANG sumiklab ang gulo sa Gitnang Silangan noong Marso, tumaas kaagad ang presyo ng mga produktong petrolyo at ang pinakamalaki ay noong Hulyo nang tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Binatikos ng iba’t-ibang organisasyon at grupo ng motorista, hindi lamang ang mga kompanya ng langis, kundi maging ang Department of Energy (DOE) sa napakalaking pagtaas dahil sa murang halaga pa ito nang angkatin.
Katuwiran ng DOE, nakabatay kasi sa dikta ng pandaigdigang pamilihan ang presyo ng produktong petrolyo na dapat na ipatupad dito sa ating bansa habang wala namang sagot dito ang mga kompanya ng langis.
Nitong araw ng Martes, umabot naman sa P16.80 ang rollback sa presyo ng gasolina habang P4.10 sa diesel at P3.70 sa kerosina na kailangang ipatupad ng mga kompanya ng langis.
Pero may kompanya ng langis ang hindi pala nagpatupad ng wastong rollback at sa halip, nais ay utay-utayin at nangako namang ipapatupad ito sa mga susunod na araw.
Kaya nang makarating ito sa kaalaman ng DOE, sinabi nila na padadalhan nila ng show cause order ang kompanya para ipaliwanag kung bakit hindi dapat silang patawan ng parusa sa hindi pagtalima sa wastong price rollback.
Bukod kasi sa multa, may katapat din palang pagkakakulong ang sinumang mapapatunayang hindi tatalima sa itinatakda ng ahensiya batay sa dikta ng pandaigdigang merkado.
Noon sumirit sa napakalaking halaga ang presyo ng langis, ang bilis nila itong ipinatupad dahil tiyak ang malaking kita rito kasi nga, dati na nila itong stock pero ngayong may mega-rollback, inutay-utay naman ang pagpapatupad. Eh ano ang tawag sa ganyang kostumbre? Hindi ba kagulangan?
Kahusayan sa pamumuno ni Col. Jay Baybayan sa Bulacan, nahahadlangan
NANG matalaga bilang Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office si P/Col. Jay Baybayan, pinatunayan niyang karapat-dapat siya sa posisyon nang ipamalas ang sunod-sunod na operasyon laban sa ibat-ibang uri ng kriminalidad.
Hindi lang pagdakip sa mga wanted na kriminal at paglutas sa mga nangyayaring krimen ang pinagtuunan ng pansin ni Col. Baybayan kundi pati na rin ang panghuhuli sa mga drug pushers at pagkumpiska sa milyon-milyong halaga ng ilegal na droga.
Ganito rin kasi ang ginawa ni Col. Baybayan sa halos dalawang taong pamumuno sa Malabon City kaya pinasalamatan siya ni Mayor Jeannie Sandoval at tumanggap din ng malawakang pagkilala para sa kanyang natatanging pamumuno at operational excellence.
Pero mukhang magiging problema ni Col. Baybayan ang ginagawang panghihimasok sa Bulacan ng apat na indibiduwal na nagpapakilalang sugo raw sila ng ilang mataas na opisyal sa Camp Crame para protektahan ang operasyon ng illegal number at color games sa lalawigan.
Ang apat umano ang nagbigay ng go signal para makapagbukas ng ilegal na sugal sina alyas Fer, alyas Egay, alyas Nestea, alyas Fred, alyas Andi at alyas Mike, sa mga bayan ng San Ildefonso, Sapang Palay, Meycauayan, Pandi, Norzagaray, at Brgy. Muzon sa San Jose Del Monte.
Hanggat hindi napuputol ang sungay nitong sina alyas Ricky, alyas Pher, alyas Jaymar at alyas Park, mananatili ang pamamayagpag ng mga illegal number at color games sa lalawigan na kapalit daw ng nalansag na illegal online sabong hub sa Pandi, Bulacan.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

