Hot News

Rider sinuntok, hinampas ng grupo ng lalaki, nasawi

75 Views

RiderNASAWI ang isang 33-anyos na rider matapos pagtulungang bugbugin ng isang grupo ng kalalakihan, kabilang ang mag-amang construction worker, nang awatin niya ang mga ito sa pananakit sa kanyang menor de edad na pamangkin sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Arestado ang isa sa mga suspek na 22-anyos habang tinutugis pa ng pulisya ang kanyang ama at ilang kasamahan.

Batay sa imbestigasyon ng QCPD-CIDU, nagsimula ang insidente nang sampalin ng isang hindi pa nakilalang lalaki ang pamangkin ng biktima. Nang mamagitan ang biktima at komprontahin ang isang menor de edad na sangkot umano sa insidente, tumakas ito at humingi ng tulong sa mga suspek.

Dumating umano ang mag-ama kasama ang ilang kasamahan at pinagtulungang bugbugin ang biktima.

Ayon sa mga saksi, sinuntok muna ng 22-anyos na suspek ang mukha ng biktima bago nauwi sa suntukan. Maya-maya, hinampas naman umano ng ama nito ng kahoy sa ulo ang biktima dahilan upang bumagsak ito sa kalsada.

Kahit nakahandusay na, patuloy pa rin umano siyang sinuntok at sinipa ng grupo.

Isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center ngunit idineklarang dead upon arrival dahil sa tinamong mga pinsala.

Naaresto ang isa sa mga suspek sa follow-up operation ng pulisya matapos siyang positibong kilalanin ng mga saksi.