Calendar
NCRPO sa mga magra-rally sa no protest zones: Aarestuhin kayo
AARESTUHIN at sasampahan ng kaso ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga magra-rally sa mga “no protest zone” sa 49th ASEAN Summit and Related Summits, ayon kay NCRPO Director PBGen. Christopher Abrahano.
Inutusan na ng hepe ng NCRPO ang mga district director, chief of police at station commander na ipatupad ang mga restriksyon sa seguridad sa mga no protest zones, partikular sa paligid ng mga venue ng summit at mahahalagang pasilidad.
Pinaalalahanan ng NCRPO chief ang mga grupong nagnanais magsagawa ng demonstrasyon na dapat na limitahan ang kanilang mga aktibidad sa mga itinalagang freedom parks.
Binanggit niya ang Batas Pambansa Blg. 880 na nag-aatas ng pagkuha ng permit para sa mga pampublikong pagtitipon sa mga pampublikong lugar, maliban sa mga opisyal na itinalagang freedom parks.
Sa ilalim naman ng Sections 13(a) at 14(a) ng nasabing batas, maaaring maparusahan ng pagkakakulong mula isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan ang mga organizer na magsasagawa ng pagtitipon ng walang kinakailangang permit o gagamit ng permit para sa ibang lugar na hindi saklaw ng awtorisasyon.
Hindi mag-aatubili ang pulisya na magsagawa ng naaangkop na hakbang laban sa mga indibidwal na lalabag sa mga restriksyon sa seguridad.
Tiniyak ng NCRPO na magpapatuloy ang koordinasyon nila sa mga kinauukulang local government units at mga organizer ng protesta upang mapadali ang pagsasagawa ng mga legal na pagtitipon, habang pinipigilan ang anumang aberya sa mga operasyong pangseguridad kaugnay ng summit, daloy ng trapiko at kaligtasan ng publiko.

