Vic Reyes

Masayang pagbabalik sa BOC, Sir Charlito Martin

Vic Reyes Nov 15, 2026
36 Views

MALIGAYANG araw sa ating mga taga-subaybay, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at Hiroshi Katsumata.

Ganun din kina Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Nida Reyes, Dolores Monfero at Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God Bless sa inyong lahat!

***

Hindi alam ng marami na balik-bahay lang itong si bagong Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ng Bureau of Customs (BOC).

Sa totoo lang, si Commissioner Mendoza, na isang abogado at geodetic engineer, ay mahigit tatlong taong nagsilbing District Collector ng BOC-Port of Cebu.

Ito ay mula Hulyo 2019 hanggang Oktubre 2021.

Noong panahon niya sa Port of Cebu ay naitala ng nasabing port of entry ang “record-breaking revenue collections.”

Ang ibig sabihin nito ay iniwan ni Collector Mendoza ang Port of Cebu noong 2021 na nasa mabuti itong kalagayan.

Pinalitan ni Mendoza si dating Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na itinalaga namang bagong hepe ng Bases Conversion Development Authority (BCDA).

At the time ng kanyang appointment sa BOC ay commissioner ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si Mendoza.

Ang pumalit sa kanya sa BIR ay si Rolando A. Ligon Jr.

Sabay-sabay na pinanumpa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tatlo – Mendoza, Ligon at Nepomuceno – noong Biyernes (Nobyembre 13).

Si Mendoza ay nagsilbi ding DOF Undersecretary for Revenue Operations Group at “he oversaw the operations of the BIR and BOC.”

Sa isang pahayag, pinasalamatan ni Commissioner Mendoza si Pangulong Marcos “for his trust and confidence he has placed in me.”

Dagdag niya: “I have always believed that public service means doing our best and doing as much good as we can …whenever we are called to serve.”

Pinasalamatan naman ni dating Commissioner Nepomuceno ang mga opisyal at kawani ng BOC sa kanilang suporta sa kanya.

Sa totoo lang, maraming nagawa si Commissioner Nepomuceno para mabago ang imahe ng dating “snake-infested waterfront.”

Naibalik niya ang tiwala ng taumbayan sa ahensya sa pamamagitan ng maraming pagbabago na isinagawa niya sa aduana.

Naniniwala tayo na patuloy na gaganda ang imahe ng BOC sa ilalim ng panunungkulan ni Commissioner Charlito Martin R. Mendoza.

Ang kailangan lang ni Pangulong Marcos ay suporta ng taumbayan, lalo na nang stakeholders, sa administrasyon ng bagong hepe ng BOC na si Commissioner Mendoza.

Dapat iparating kay Commissioner Mendoza at mga kasama ang lahat ng nakikitang problema para ma-aksyunan agad ang mga ito.

Masayang pagbabalik sa BOC, Sir Charlito Martin.

GOOD LUCK and GOD BLESS YOU!

***

Mabuti na lang, masisipag at “highly-dedicated” ang mga taga-BOC Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang law enforcement arm ng Dangerous Drugs Board (DDB), ay nakasamsam ang BOC-NAIA ng illegal drugs na nagkakahalaga ng P89.16 milyon.

Ang operasyon ay pinangunahan ng BOC-NAIA katuwang ang Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group at PDEA.

Ang mga droga ay nakalagay sa 12 abandonadong parcel na nakita sa isang warehouse sa Pasay City.

Na-rekober ang mga ilegal na droga noong Nobyembre 6.

Ang mga parcel ay nanggaling sa Thailand, India, United States at The Netherlands.

Isunumite na sa PDEA Laboratory Service ang samples ang nasamsam na droga para sa kaukulang pagsusuri.

Sinabi ni BOC-NAIA District Collector Ma. Yasmin Obillos-Mapa na patuloy nilang paiigtingin ang pagsusuri sa mga dumarating na padala mula sa ibang bansa.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan sa partner-agencies para masiguro na walang makalulusot na kontrabando sa bansa.

Madalas kasi, itinatago sa mga dumarating na parcel ang iba’t ibang kontrabando, kasama na ang mga ipinagbabawal na produkto.

Sa totoo lang, mahihirapang makalusot sa isang port of entry ang mga kontrabando dahil fully-equipped ang mga taga-BOC para ma-detect ang mga kontrabando.

(Para sa komento at pagbati, mag-text sa 0917-8624485/email:philipreyes08@yahoo.com.)