Calendar
Kamara mainit na tinanggap UN Special Rapporteur
MAINIT ang naging pagtanggap ng mga kongresista kay United Nations Special Rapporteur (UNSR) on the Sale and Sexual Exploitation of Children Mama Fatima Singhateh na bumisita sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Nobyembre 28.
Si UNSR Singhateh ay nasa bansa para sa 14 na araw na pagbisita kung saan kukuha ito ng mga impormasyon kaugnay ng mga hakbang na ginagawa ng gobyerno para maproteksyunan ang karapatan ng mga bata laban sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso.
Inaasahan din ang pagbibigay ng rekomendasyon ni UNSR Singhateh upang mas mapataas ang antas ng pangangalaga sa mga bata.
Si UNSR Singhateh ay hinarap nina House Committee on Revision of Laws Chairperson Rep. Edward Vera Perez Maceda (4th District, Manila), Committee on Human Rights Chairperson Rep. Bienvenido Abante Jr. (6th District, Manila), at Committee on Women and Gender Equality Chairperson Rep. Geraldine Roman (1st District, Bataan).
Si UNSR Singhateh ay bumisita sa Kamara kasama sina Council for the Welfare of Children Undersecretary Angelo Tapales at Human Rights Officer Antara Singh.
Sinabi ni Maceda na kamakailan ay naisabatas ang Republic Act 11930, o ang “Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act”.
Tiniyak ni Maceda na gagamitin ng Kamara ang oversight function nito upang masiguro na mapoproteksyunan ng mga ahensya ng gobyerno ang mga batang Pilipino.