Hagedorn

Pag-convert ng kalsada sa Palawan bilang national road inapela

Mar Rodriguez Jan 23, 2023
188 Views

HINIHILING ngayon ng kongresista sa House Committee on Public Works and Highways na aksiyunan nito ang isinulong niyang panukalang batas na naglalayong ma-convert bilang national road ang Napsan-Bagong Bayan-Simpucan sa Palawan mula sa pagiging City road.

Dahil sa pagkakabinbin ng House Bill No. 4888 mula pa noong 17th Congress, muling isinulong ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn ang nasabing panukala upang matuloy na ang pagpapalit ng Napsan-Bagong Bayan-Simpucan bilang isang national road.

Ipinaliwanag ni Hagedorn na sakaling tuluyan ng ma-convert ang nasabing kalsada bilang isang national road mula sa pagiging City road, malaking benepisyo aniya ang maibibigay nito hindi lamang sa mga residente ng Puerto Princesa. Kundi maging sa mga investors at mga turista.

Binigyang diin ni Hagedorn na ang Napsan-Bagong Bayan-Simpucan ang nagsisilbing “alternative highway” ng Southern Palawan patungong Northern Palawan. Kung kaya’t maraming mamamayan ang nakikinabang sa nasabing kalsada partikular na sa mga nagnenegosyo.

Sinabi ng mambabatas na ang Puerto Princesa bilang isang capital city ay centro at daluyan ng kalakalan at komersiyo ng local na pamahalaan ng Palawan. Kung saan, mas napapabilis ng naturang kalsada ang daloy ng negosyo ng lalawigan dahil nagsisilbi itong “alternative road”.

Sa kasalukuyan, nabatid pa kay Hagedorn na kinakailangan maisa-ayos at magkaroon ng pagkumpuni (major repair) sa Napsan-Bagong Bayan-Simpucan road dahil sa loob ng mahabang panahon ay “dilapidated” na o nagka-sira sira na ang nasabing kalsada.