Tolentino

Kalusugan ng nakatatanda dapat bigyang halaga — Tolentino

217 Views

BILANG pagtalima sa mandato ng Estado na bigyang halaga ang kalusugan ng lumalagong populasyon ng mga nakatatanda sa bansa, inihain kamakailan ni Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino ang isang panukalang batas na layong magkaroon ng isang komprehensibong programang pangnutrisyon para sa mga senior citizens upang patatagin ang kasalukuyang ‘nutritional framework’ ng Pilipinas.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1799 ni Tolentino o ang panukalang “Comprehensive Senior Citizen Welfare Act,” binibigyan ng mandato ang Department of Health (DOH)–katuwang ang mga local government units (LGUs), non-government organizations (NGOs) at people’s organization (POs) ng mga senior citizens–upang pangasiwaan ang isang pambansang programang pangkalusugan na maglalaan ng ‘integrated health service’ para sa mga nakatatandang Pinoy.

“Good nutrition is very essential in all age groups, most especially in the elderly. It provides the energy and nutrients that would help prevent or manage certain lifestyle diseases. Unfortunately, our government has somehow been remiss in providing this comprehensive nutritional support to our elderly,” paliwanag ni Tolentino.

Ang programang nakapaloob sa ilalim ng SB 1799 ay naglalayong hubugin ang mga community-based health workers na nakatutok sa mga senior citizens at iba pang medical personnel na magpakabihasa sa tinatawag na ‘geriatric care’ at iba pang problemang pangkalusugan ng mga Pilipinong may edad 60-anyos pataas.

Bagamat marami na ring benepisyong pinansyal ang inilaan ng mga nakaraang administrasyon para sa tinatawag na ‘ageing population’–kabilang na ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 at ang batas na nagbibigay karagdagang social pension para sa mga nasa ‘indigent cluster’–giit ni Tolentino na hindi na sapat ang tinatamasang benepisyo sa kasalukuyan ng mga nakatatandang Pinoy dahil sa mataas na presyo ng gamot at bilihin dahil sa dinaranas ngayon na inflation.

Base sa pinakahuling datos mula sa Philippine Statics Authority (PSA), tinatayang hindi bababa sa 9.2 milyon ang bilang ng mga nabubuhay na senior citizens o katumbas ng 8.5 porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa.

Nakapaloob din sa SB 1799 ni Tolentino na ang bawat LGUs–sa pamamagitan ng kanilang local health personnel–ay dapat magsagawa ng regular na pagbisita sa bawat senior citizen sa kanilang nasasakupang lugar upang masiguro na pasok ang kanilang healthy diet batay sa “comprehensive nutrition and wellness program” na akma sa kanilang edad.

“At this point in time, nutrition plays a very crucial role and requires special attention as Filipinos reach old age,” dagdag pa ng senador.