Gatchalian

Mungkahi ni PBBM na VAT refund para sa dayuhang magpapalakas sa PH turismo

335 Views

ANG iminumungkahing ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagpapatupad ng value-added tax (VAT) refund program para sa mga dayuhang turista ay maaaring magpalakas ng lokal na industriya ng turismo na siya namang makakatulong sa pangkalahatang paglago ng ekonomiya, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Sinabi ng chairman ng Senate Committee on Ways and Means na may tinatayang mawawalang kita na aabot sa P3 bilyon o humigit-kumulang 0.08% lamang ng kabuuang kita ng gobyerno kapag ipinatupad ang VAT refund, kaunting halaga aniya kung ikukumpara sa kitang magmumula sa mga potensyal na tourist arrivals na maaaring magpalakas sa pangkalahatang ekonomiya.

“Ang programa ay maaaring makaakit ng mas maraming dayuhang bisita sa bansa na siyang magpapasigla sa lokal na industriya ng turismo, at lilikha ng mas maraming oportunidad at trabaho para sa mga Pilipino,” sabi ni Gatchalian.

Sa Mababang Kapulungan, isang technical working group na ang binuo para sa pagsasagawa ng batas para sa naturang programa. Inaprubahan din ng Pangulo ang rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group na ipatupad ang mekanismo ng refund para sa mga dayuhang turista pagdating ng 2024.

Ayon kay Gatchalian, karaniwan na ang VAT refund sa buong mundo, partikular sa Europa at Southeast Asia, upang makaakit ng mga dayuhang turista.

“Inaasahan nating magpapalakas ito ng ating turismo na siya namang tutulong para magkaroon ng trabaho ang karamihan sa ating mga kababayan at magpapayabong pa ang mga industriya na naapektuhan nang husto ng pandemya,” sabi ng mambabatas.

Ayon sa Department of Tourism nakapagtala ang bansa ng 2.65 milyong bisita mula Pebrero hanggang Disyembre noong nakaraang taon, mas mataas kaysa sa 163,879 na turista na naitala noong 2021, ngunit mas mababa ito kumpara sa 8.26 milyong kabuuang bilang ng mga turista na naitala bago ang pandemya.