pauls

Pinakamatinding AC/DC sa media

Paul M. Gutierrez Feb 18, 2022
336 Views

BAGO ang lahat, binabati muna natin ng maingay at mainit na ‘Happy Birthday!’ ang aking ina, si Liwayway ‘Liway’ Gutierrez, sa kanyang ika-82 kaarawan kahapon, araw ng Biyernes. ‘Nay, sana’y manatili kang malakas at malusog. At salamat sa lahat ng naging sakripisyo mo para sa amin!

Mainit at maingay din na pagbati ng ‘Happy Birthday!’ kay Mr. Roberto ‘Tatay Bobs’ Cusi, na magdiriwang naman ng kanyang ika-80 kaarawan ngayong Lunes, Pebrero 21.

Ang pagbati ay mula naman sa kanyang mga kaibigan at pamilya sa pangunguna ng ating kaibigan at ‘junior’ noong kolehiyo na si soon-to-be lawyer, Oliver Cusi. Mabuhay ka, Tatay Bobs!

Nitong nakaraang Miyerkules ay nagkaroon ng joint press conference ang National Press Club at ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) kung saan ibinisto natin ang pinakamalalang kaso ng ‘attack-and-collect, defend-and-collect’ o AC/DC sa kasaysayan ng pamamahayag na nakarating sa ating kaalaman.

Ang AC/DC ay ang tawag ng mga media sa ganitong unethical practice kung saan nagpapagamit ang isang mamamahayag sa isang partikular na politiko o sino mang taong may kapangyarihan kapalit ng pera. Pwede silang manira o di kaya’y pumuri, depende sa ipapagawa sa kanila.

Base sa mga ebidensiya na nakalap ng PTFoMS sa pangunguna ni Usec. Joel Egco, matatawag nilang isang modus operandi ang ginawa ni Jaime Aquino at kaniyang mga kasabwat dahil sa mga gawa-gawang mga kaso upang makulong ang kanilang mga biktima.

Kanilang nabiktima at naipakulong sa kasong rape si Councilor Arkie Manuel Yulde ng Lopez, Quezon, na nakulong ng higit limang buwan at nakalaya lamang sa tulong ng kaniyang abogado na si Atty. Freddie Villamor na nakasama din natin sa nasabing presscon.

Napatunayan na pineke ang buong kaso kasama ang mga ebidensiya nito.

Ganito rin ang kanilang nais gawin kay Cagayan Export Zone Authority (CEZA) administrator at Northern Luzon presidential adviser Sec. Raul Lambino.

Kasong rape din, child abuse at serious physical injuries ang nais ikaso sa kaniya at kaniyang asawa. Kung pagbabasehan ng mga ebidensiya sa modus na ito nila Aquino, malakas ang hinala na milyun-milyon ang kinita nila Aquino upang “tahiin” ang kanilang mga bintang— patunay ang Bagong gawa na ‘swimming pool resort’ ni Aquino sa Pangasinan. Ang umiikot na “balita” sa probinsiya, higit P20 milyon ang halaga nito.

Ang tanong naman, “saan” o “paano” nakuha ni Aquino ang nasabing halaga bilang isang provincial correspondent sa dyaryo na ang suweldo ay batay lang sa mga lumabas na istorya, aber?

At nitong huli, mayroon pa umanong mga naging biktima pa itong sina Aquino ayon kay Usec. Egco. Nakakapanindik balahibo ang mga ganitong lumilitaw na ebidensiya sa kanilang imbestigasyon at mga ari-arian ni Aquino na kanilang nadidiskubre.

Kaya natin ito tinatawag na pinakamalalang kaso ng AC/DC dahil hindi natin maisip kung paano nasisikmura na magpakulong ng mga inosenteng tao ang ganitong mga mamamahayag?

Sa ganang atin pa, hindi peryodista bagkus, isang kriminal ang ganitong mga tao.

Naiintindihan pa natin— bagamat hindi natin kinukunsinti— ang mga kaso ng AC/DC sa mga mamamahayag na nagpapabayad lamang dahil sa kakulangan ng suweldo at mga nagigipit. Pero iba itong sina Aquino, tsk!

Kaya hindi na tayo nagdalawang isip na patalsikin at hindi na pabalikin itong si Aquino sa NPC. Matagal na tayong naglilinis ng ating hanay para maibalik ang tiwala at prestihiyo ng ating organisasyon at hindi tayo papayag na madungisan muli ito ng mga gaya ni Aquino.

Si Aquino ay pang-anim na sa mga kasapi ng NPC, regular at lifetime members, na pinatalsik sa hanay ng NPC sa nakaraang 6 na taon.

Alam natin na alam na ng PTFoMS ang kailangang isampang mga kaso sa grupo nila Aquino. Napipikon din tayo dahil miyembro nga ng NPC si Aquino at kung pumupunta sa NPC para manghingi ng tulong ay ating naaabutan kahit paano. Pero hindi po tayo mangungunsinti ng ganitong mga tao.

Ngayong eleksiyon malamang hindi lamang ito ang magiging kaso ng AC/DC dahil mahirap umiwas sa tukso ng pera at kapangyarihan.

Pero nakikiusap at nagpapaalala tayo sa mga kasamahan nating mamamahayag na ganitong mga gawain ang nagpapahamak sa atin.

Kaya tayo ang mga napag-iinitan, nakakasuhan o di kaya’y napapatay dahil sa pagpapagamit natin sa mga may pera at kapangyarihan.

Alam natin na mahirap kalaban ang sikmura pero kailangan nating mga mamamahayag maging tapat sa ating responsibilidad.

Ngayong bistado na ang mga raket nitong si Aquino, harinawang higit na maging mas mabilis ang “karma” sa kanya mula sa langit.

Simoun Malinay