Calendar
Kongresista nais paimbestigahan sa Kamara total phaseout ng mga jeepney
NAIS paimbestigahan ng isang Bicolano Congressman sa Kamara de Representantes ang iba’t-ibang posibleng epekto ng pina-plano ng gobyerno na tuluyan ng pagwawaksi o ang tinatawag na “total phaseout ng mga jeepney” na inaasahang makaka-apekto ng napakaraming commuters.
Dahil dito, iinihain ni Albay 2nd Dist. Congressman Joey Sarte Salceda, Chairman ng House Committee on Ways and Means, ang House Resolution No. 801 na naglalayong magsagawa ng isang imbestigasyon ang House Committee on Transportation kaugnay sa nasabing usapin.
Ipinaliwanag ni Salceda na mahalagang malaman sa ikakasang pagsisiyasat kung ano-ano ang posibleng magiging “adverse soci-economic impacts” ng pina-planong phaseout para sa mga tradisyunal na jeepney na nakasaad naman sa Memorandum Circular No. 2023-13 na unang inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ipinaliwanag ni Salceda na ang nasabing phaseout ay nagmi-mistulang pagbabalewala aniya sa reyalidad na sa Pilipinas partikular na sa mga lalawigan. Ang mga Public Utility Jeepneys (PUJ) ay nananatiling “primary mode” ng mga pampublikong transportasyon.
Ipinaliwanag ni Salceda na noong kasagsagan ng COVID-19 Pandemic ay umabot aniya ng P102 billion ang nawalang PUJ revenues bunsod ng sunod-sunod na lockdown at ipinatupad na “health protocols”. Kung saan, marami ang nanatili lamang sa kani-kanilang tahanan.
Ipinahayag naman ni Palawan 3rd Dist. Congressman Edward S. Hagedorn na kailangang pag-aralan muna ng LTFRB kung nararapat bang iwaksi o i-phaseout ang mga jeepney. Sapagkat sigurado aniyang maraming mananakay ang labis na maapektuhan ng nasabing hakbang.
Ipinaliwanag din ni Hagedorn na mahalaga din na maging bukas ang isipan ng mga opisyal ng pamahalaan partikular na ang LTFRB. Dahil ang PUJ ang tanging “mode of transportation” ng tinatawag na “masang Pilipino” sapagkat hindi naman lahat ng mamamayan ay mayroong pag-aaring sasakyan.
Binigyang diin ng kongresista na napakahalang pag-isipan at suriing mabuti ng LTFRB ang nasabing plano. Dahilan sa tinatayang 11.5 million pasahero ng PUJ kada araw ang maaaring maapektuhan ng phaseout.
Bunsod nito, sinabi pa ni Hagedorn na kapag natuloy ang planong phaseout ng mga PUJs. Mapipilitan ang publiko na gumamit ng ibang transportasyon tulad ng siksikang railways system kabilang dito ang limitadong Transport Network Vehicles Service System (TNVS) at mga pribadong sasakyan.
Binigyang diin pa ng mambabatas na dahil sa ganitong sitwasyon, hindi maiiwasan na magre-resulta ito sa lalo pang pagdami ng mga sasakyan sa lansangan na inaasahang lalong magdudulot ng pagsisikip ng mga kalsada o ang tinatawag na “road congestion” dahil sa napakaraming bumibiyaheng sasakyan.