Martin1

Speaker Romualdez: OTS nangako ng pagbabago para mapoproteksyunan mga pasahero

194 Views

NANGAKO kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Office of Transportation Security (OTS) na magpapatupad ng mga pagbabago upang maproteksyunan ang mga turista at biyahe laban sa mga pamang-abusong airport personnel.

Ito ang sinabi ni Speaker Romualdez matapos ang pakikipagpulong nito kina DOTr Sec. Jaime Bautista, OTS Administrator Usec. Ma. O Ranada Aplasca, at Manila International Airport Authority Gen. Manager Cesar Chiong.

Kasama rin sa pagpupulong si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations.

Ayon kay Speaker Romualdez napagkasunduan ang pagtatalaga ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na sasabay sa duty ng mga airport screening personnel.

Ipinanukala rin umano ng OTS ang paglalagay ng body camera sa mga naka-duty na tauhan nito gayundin sa mga tauhan ng Immigration.

Mayroong 1,200 OTS personnel sa iba’t ibang paliparan sa bansa.

Nais din ng OTS na ibalik ang luma nitong protocol kung saan pagbabawalan ang mga naka-duty nitong tauhan na magdala ng cellphone, bag at jacket. Itinulak din nila ang pagpapagawa ng uniporme na walang bulsa.

Ipinanukala rin ng DOTr at OTS ang pagdaragdag ng mga e-gates sa mga paliparan upang malimitahan ang pagkakaroon ng ugnayan ng mga security personnel at mga pasahero.

Nangako ang DOTr at OTS na magsusumite kay Speaker Romualdez ng mga plano nitong pagbabago.

“The OTS also agreed to punish erring personnel and to put in place appropriate measures to stop and discourage illegal behavior of their staff. They recognized its existence and they decided to do something about it,” ani Speaker Romualdez.

Muli ring ipinahayag ni Romualdez ang kanyang pagkadismaya sa nangyaring pagnanakaw sa isang turista na nakuhanan ng video.

“I hope this would somehow cushion any backlash from that embarrassing incident, and that tourists will still choose to visit the Philippines and not be discouraged by the act of erring personnel. We will monitor closely the corrective actions of the DOTr and the OTS to ensure all travelers in and out of our country get the honest and efficient service that they deserve,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Iginiit rin ni Romualdez ang pangangailangan na maparusahan ang mga nagkasalang tauhan ng OTS.