Barzaga

Bangayan ng Kamara, Senado sa economic amendments tigil—Barzaga

120 Views

SA halip na magbangayan sa publiko, hinimok ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ang mga lider ng Kamara de Representantes at Senado na umupo at pag-usapan ng mahinahon ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon.

Hiniling din ni Barzaga sa mga lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso na obserbahan ang parliamentary courtesy at sinabi na naiwasan sana ang bangayan kung bumoto muna ang Senado bago inanusyo na walang numero para maipasa ang panukalang pagbabago ng Saligang Batas.

“Nagkakaroon tuloy ng word war between the Senate President and the Speaker (Martin Romualdez) and (House Committee on Constitutional Amendments) Chairman Rufus (Rodriguez), minsan nakakahiya e,” sabi ni Barzaga sa radio program na “Kape Kape Muna” ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa DWRB.

“Dapat e veteran legislators kami, kung ano man ang pinagkakaiba ng opinyon, settle privately,” dagdag pa ni Barzaga.

Ayon kay Barzaga nagsimulang uminit ang usapin ng iugnay ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kawalan ng implementing rules and regulations (IRR) sa tatlong batas: 1. Public Service Act; 2. Retail Trade Liberalization; 3. Foreign Investment Act sa itinutulak na pag-amyenda sa Konstitusyon ng Mababang Kapulungan.

Sumagot si Rodriguez at sinabi na “unfair” para sa mga lider ng Kamara, lalo na kay Speaker Romualdez, ang pahayag ni Zubiri dahil walang kontrol ang Kamara sa mga ahensya ng Ehekutibo na siyang gumagawa ng IRR.

Hindi rin umano totoo na minamadali ng Kamara ang panukalang amyenda na pinag-uusapan mula pa noong termino ni dating Pangulong Fidel Ramos.

“Hindi namin kasalanan ‘yun (delay ng IRR)),” sabi ni Barzaga. “Unfortunately now, masama kaagad ang insinuation ni Senate President Migz Zubiri kaya nag-reply na ang ating Speaker at si Chairman Rufus Rodriguez, kaya sinasabi namin kung minsan nakakahiya rin sa publiko. The heads of the chambers of the lawmaking body are quarelling before the public. The issuance of the implementing guidelines of the aforementioned three laws is the act of the executive independent of the action of the House and also of the Senate.”

Paliwanag ni Barzaga naging mabilis ang aksyon ng Kamara sa panukalang amyenda sa Konstitusyon dahil nais nitong maisabay ang halalan ng mga delegado ng Constitutional Convention (Con-Con) sa Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa Oktobre upang mabawasan ang gastusin ng gobyerno.

Ipinunto ni Barzaga na hindi na bago ang hakbang na ito. Ang mga delegado umano ng 1973 Constitution ay inihalal kasabay ng 1971 elections.

“Kasi kung magkakaroon na naman tayo ng separate elections, in order to determine who shall be the Con-Con delegates ay talagang magastos yan at kukuwestunin na naman ng ating mga kababayan at ng mga critics ng ating administration,” dagdag pa ni Barzaga.

Naniniwala si Barzaga na kung talagang walang pag-asa ang panukala, dapat ay inutusan na ni Zubiri si Sen. Robinhood Padilla, ang chairperson ng Senate constitutional amendment committee na huwag ng ituloy ang pagdinig dahil pagsasayang lamang ito ng panahon.

Ayon kay Barzaga makabubuti kung hinayaan na lamang ni Zubiri na napagbotohan ang panukala sa plenaryo ng Senado sa halip na ianunsyo na wala itong makukuhang sapat na boto.

“Sana tinuloy na lang yun kay Sen. Robin, sa tingin ko naman, lulusot sa committee level ‘yung proposal e ‘di napag-usapan na lang sa plenary. Mangampanya sila secretly saka bumoto at kung sakaling wala ‘yung (constitutional requirement of) two-thirds (votes), saka sabihin sa publiko, ‘the two-thirds of the Senate are not agreeable,’ but not at this time, that will be premature,” punto pa ni Barzaga.

Ipinagtanggol din ni Barzaga ang kuwalipikasyon ni Padilla na kinukuwestyon ng ilan dahil hindi umano abugado pero ang hinawakang komite ay ang mag-aamyenda sa Saligang Batas.

“He (Padilla) has the mandate of the people. ‘Di naman kinakailangang abogado ka, kinakailangan lamang alam mo kung ano ang gusto mong baguhin. Kaya nagkakaroon siya ng public hearing, hindi naman siya one-man rule,” pagtatanggol ni Barzaga.

Sumuporta naman ni Barbers sa pahayag ni Barzaga na dapat tapusin na ang bangayan ng dalawang kapulungan.

“I absolutely agree. ‘Yan po ang wisdom ni Cong. Pidi, dapat mag set-up ng team ng Upper and Lower House ipadala natin. Cong. Pidi, Cong. Rufus para mailatag talaga (ang position ng both Houses),” sabi ni Barbers. “I know that deep inside their (senators) hearts and minds, gusto din nila ‘yan (Cha-cha) kaya lang they always go for public opinion, masyado silang populist e.”

Nang tanungin ni Barbers kung ano ang maaaring dahilan at tinututulan ng mga senador ang panukala, sagot ni Barzaga: “Naririnig natin sa media, mga analysts, (that when we become a) unicameral (Legislature), majority of senators won’t be able to win in their respective districts.”

“I really do not know whether this is true or not but perhaps this is one of the apprehensions,” dagdag pa ni Barzaga.

“Alam niyo naman ‘pag naging unicameral tayo, although House and Senate are co-equal with one another, unfortunately ang perception ay tinatawag nga kaming ‘Lower House’ but there is no Lower House, there is no Higher House. Senate at saka Kongreso, equal lang kami pareho, as a matter of fact, we have some powers that the Senate does not have and in the same manner, there are some powers na ang Senado ay meron pero wala ang Kongreso,” paliwanag pa ni Barzaga.