Teves binigyan ng House Committee on Ethics ng 24 oras para magpakita at bumalik ng Pilipinas

183 Views

BINIGYAN ngayon ng House Committee on Ethics ng dalawang-put-apat (24) na oras na palugit si Negros Oriental 3rd Dist. Congressman Arnolfo “Arnie” A. Teves, Jr. para magpakita o bumalik ng Pilipinas matapos mapaso ang ibinigay sa kaniyang “travel authority” ng Kamara de Representantes.

Ipinabatid ni COOP-NATCCO Party List List Congressman Filemon M. Espares, Chairman ng Ethics Committee, na bagama’t binigyan nila ng 24 na palugit si Teves para bumalik ng bansa at dumalo sa session ng Kongreso. Subalit sa ngayon aniya ay hindi pa nila maaaring ihayag ang kanilang mga susunod na hakbang.

Gayunman, sinabi ni Espares na sakaling mabigo si Teves na bumalik ng Pilipinas at magpakita o humarap sa Ethics Committee. Mapipilitan aniya ang mga miyembro ng Komite na patawan ng sanctions si Teves batay sa kanilang mapag-uusapan at mapagde-desisyunan ngayong Martes (March 21).

“Sorry muna we cannot totally disclose kung ano man ang ang next action namin. But then as per approved by the Committee, we will just inform you that we extend our time to let our colleague to respond within 24 hours na umuwi ng Pilipinas. But kung hindi siya makapag-appear personally in our Committee, so the Committee will really have its decision,” ayon kay Espares.

Sinabi ng kongresista na magkakaroon sila ng meeting sa Ethics Committee para pag-usapan ang kanilang susunod na hakbang sakaling hindi nga magpakita si Teves o humarap sa nasabing Komite. Kung saan, ang isa sa kanilang pag-uusapan ay ang pagpapataw ng sanction laban sa mambabatas.

Nabatid pa kay Espares na hindi rin nila pinayagan ang sinasabing “video-conferencing” para kay Teves. Sapagkat ang kailangan nila ay ang personal appearance nito matapos nitong sabihin na: “Actually hindi din natin pinayagan at the same time kailangan talaga natin ay ang kaniyang personal appearance o mag-appear siya in person”.